THOMPSON MAS PINILI ANG GINEBRA KAYSA MALAKING OFFER

on the spot- pilipino mirror

ISA sa pinakamahusay na player ngayon si Scottie Thompson. Siya rin ang dahilan kung bakit nasungkit ng Barangay Ginebra ang PBA bubble Philippine Cup conference crown.

Ito bale ang kauna-unahang kampeonato ng Gin Kings sa All-Pinoy conference.

Paso na ang kontrata ng dating player ng University of Perpetual Help. Hindi ganoon kasikat ang school ng player pero hindi unibersidad ang pinag-uusapan dito kundi ang husay sa paglalaro ng basketbolista.

Hindi lamang ipinakilala ni Thompson ang kanyag sarili kundi dala-dala niya ang pangalan ng kanyang eskuwelahan.

Ngayon pa lamang ay marami na ang nag-o-offer sa tubong-Davao. Nais ng mga sikat na team na makuha ang kalibre nito. Ngunit hindi nasilaw sa salapi ang player. Mas pinili niyang manatili sa kampo ng Ginebra. Ang siste, gusto ni Scottie ay tularan ang kanyang Kuya Mark Caguioa na hanggang sa magretiro ay isang team lang ang pinaglaruan.

Kung siya ang masusunod, mas nanaisin niyang mag-stay sa kampo ng Barangay Ginebra kaysa lumipat sa ibang koponan na may alok na malaking pera. Very loyal si Thompson sa management ng Ginebra. Sana ganoon din ang loyalty sa kanya ng Kings management pagdating ng araw.

o0o

Mukhang nagbago ang isip ini Mark Caguioa at hindi muna itutuloy ang kanyang pagreretiro sa basketball. Kinausap umano ito ni L. A Tenorio na huwag munang iwanan ang Ginebra.

Kaya pa naman daw ni Caguioa na maglaro kahit hindi madalas gamitin ni coach Tim Cone. Siya raw kasi ang inspiration ng mga player kaya nakakapaglaro sila nang todo. Isang season pa raw, nahilot naman si Caguioa ni Tenorio at napapayag niya na mag-stay muna ito sa Ginebra at ipagpatuloy ang paglalaro sa team.

o0o

Nagpasa na ng application si Andre Paras para sa 2021 PBA Annuel Draft na posibleng gawin sa Marso. May taas na 6’5 ang panganay na anak ni Benjie Paras.Naglaro ito sa AMA Online Education sa ilalim ni coach Mark Herrera. Malaking katanungan ng mga fans nito kung may kukuha ba sa kanya sa PBA Draft. Bagama’t hindi siya ganoon kahusay ‘di tulad ng nakababatang kapatid na si Kobe Paras Sa tangkad ni Andre ay posibleng may kumuha sa kanya at siyemre ay may market value ito. Sa AMA ay malaki ang naitulong ni Paras lalo na pagdating sa rebounding, at kahit papaano ay umiiskor naman siya. Anyway, good luck!

Comments are closed.