THOMPSON PBAPC PLAYER OF THE WEEK

BALIK sa kontensiyon ang Barangay Ginebra para sa Top 4 finish sa PBA Commissioner’s Cup.

At malaki ang naitulong dito ng nagbabalik na si Scottie Thompson.

Magmula nang bumalik mula sa active duty makaraang makarekober mula sa swollen knee injury, tinulungan ng dating MVP ang kanyang koponan na putulin ang two-game skid sa pamamagitan ng back-to-back victories kontra Meralco at TNT.

Sa dalawang games na kanyang nilaro, si Thompson ay may averages na 16.5 points, 7.0 rebounds, at  7.0 assists at naging Best Player of the Game sa bawat pagkakataon.

Dahil sa impact na kanyang dinala sa kanyang pagbabalik sa Ginebra, ang 30-anyos na si Thompson ang huling PBA Press Corps-Pilipinas Live Player of the Week para sa taong 2023.

Nakalaban ni Thompson sina Terrence Romeo sa likod ng kanyang eksplosibonh   Christmas Day performance para sa San Miguel, at  Christian Standhardinger, na nanguna sa  Ginebra locals sa scoring at rebounding, para sa weekly honor para sa period na Dec. 20-25.

Agad na ipinaramdam ni  Thompson ang kanyang presensiya makaraan ang  three-week absence sa pagkamada ng 21 points, 7 rebounds, at 7 assists sa 110-96 panalo laban sa Meralco.

At noong Christmas Day, nagtala siya ng 12 points subalit nagpasabog ng dalawang krusyal na three pointers sa stretch para sa 86-78 come-from-behind win laban sa Tropang Giga. Nagdagdag siya ng 7 rebounds at 7 assists.

Ang panalo ay nagbigay sa Ginebra ng quarterfinals berth, at sumalo sa  San Miguel sa fourth place na may 6-3 record, sapat pa rin para magkaroon ng tsansa sa twice-to-beat advantage sa playoffs.

“When Scottie came in, he changes everything,” pag-aamin ni Meralco coach Luigi Trillo. “In the two games that they lost, he wasn’t there. So you can see the disparity in movement.”

CLYDE MARIANO