THREAT ASSESSMENT SA MGA PULITIKO

INATASAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang lahat ng police Regional Directors na magsagawa ng threat assessment sa mga pulitiko sa kanilang nasasakupan.

Ito ang inihayag ni Azurin sa isang ambush interview matapos pangunahan ang pagpapalit ng liderato ng National Capital Police Regional Office (NCRPO) kahapon.

Ayon kay Azurin, gusto niyang ma-determina kung ang sunod-sunod na pag-atake sa mga pulitiko ay may kaugnayan sa isa’t isa.

Paliwanag ni Azurin, ang threat assessment ay para malaman kung sino-sino sa mga pulitiko ang nanganganib ang buhay upang makapagpatupad ng kaukulang security precautions.

Matatandaang nag-survive sa ambush si Lanao Del Sur Gov. Mamintal Adiong noong nakaraang Linggo at nasawi naman si Aparri Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda nitong Linggo habang sugatan naman ang Mayor ng Datu Montawal, Maguindanao Del Sur sa pamamaril sa Pasay City nitong Miyerkules. EUNICE CELARIO