THREAT GROUPS, LOOSE FIREARMS PINAGHAHANDAAN NG AFP, PNP

TULOY-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Armed Forces of the Philippine at ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kaya’t nakapokus ang dalawang government security agencies sa mga posibleng threat group at proliferation ng loose firearms bago ang halalan.

Ayon kay AFP Spokesman Col Medel Aguilar, partikular na kanilang tinututukan ang armed groups na posibleng magamit na hired goons o private armed groups ng ilang political groups.

Bukod pa sa pagpapaigting ng implementasyon ng total gun ban, plano ng AFP na isama ang air soft or pellet guns at replica guns na ipagbawal ng Commission on Election.

Nabatid na nagsagawa na ng mga pagpupulong ang mga Area Police at Military Command kasama ang Commission on Election at maging ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard Districts bilang paghahanda sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Nabatid na pinulong na rin ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., ang mga regional director at unit heads para magbaba ng direktiba hinggil sa papalapit na eleksyon.

Ayon kay Acorda, mahigpit nilang tinututukan ang accounting ng loose firearms na posibleng magamit sa krimen kabilang na ang mga baril na sa pag-iingat ng mga pulis at militar.

Batay sa record ng PNP, nasa halos 19,000 police at military personnel ang hindi pa nakakapag-renew ng kanilang lisensya ng baril.

Gaya rin ng ginagawa ng militar, mahigpit din ang monitoring ng PNP sa threat groups tulad ng private armed groups, criminal gangs at iba pa.

Sa pamamagitan nito, mas madaling matutukoy ang areas of concern na siya namang tatalakayin ng PNP sa mga susunod na joint meetings kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Commission on Elections (COMELEC)

Samantala, sinabi rin ni Acroda na pinapa-account niya ang mga most wanted person lalo na ang mga sangkot sa murder at iba pang karumaldumal na krimen.

Gayundin, kinokonsidera ng Committee on the Ban of Firearms and Security Concerns ng Commission on Elections ang panukala ng AFP na isama ang mga air-gun at mga gun replica sa ipapatupad na gun-ban.

As per COMELEC Resolution 10905, ang election period ay mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29.

Sa panahong ito ay mahigpit na paiiralin ang total gun ban kung saan inihayag ng Comelec na simula Hunyo 5 naman ang filing ng application for gun ban exemption. VERLIN RUIZ