HINDI madali ang pag-iisip ng kakaibang snacks o pagkain para sa mga bata. Nakasasawa rin kung paulit-ulit kaya kailangang mag-isip ng bagong paraan ng paghahanda. Sabihin mang pangkaraniwan na ang mga sangkap pero kung bago naman ang paghahanda nito, tiyak na mapangingiti ang iyong tsikiting.
At dahil mahilig sa merienda ang mga bata, narito ang ilang three-minute snacks na swak na swak sa mga panlasa ng tsikiting:
PEANUT BUTTER MUG CAKE
Isa sa napakadaling gawin at tiyak na magugustuhan ng mga bata ang Mug Cake. Sino nga naman ang aayaw sa cake. Isa ito sa hindi puwedeng mawala na dessert sa marami sa atin.
Bukod sa madali lang gawin o lutuin, kung mahilig ang mga tsikiting sa peanut butter ay maaari itong samahan.
Sa paggawa nito, pagsasama-samahin lang ang peanut butter, apple sauce, maple syrup, cocoa powder, flour, baking powder, itlog, vanilla extract at kaunting asin. Kapag nahalo nang mabuti ang lahat ng mga sangkap, i-microwave na ito ng 1 hanggang 2 minuto.
Ganu’n lang kasimple at maaari na itong ihanda sa mga tsikiting.
PEANUT BUTTER CRACKER SANDWICHES
Crackers at peanut butter ang isa sa kinahihiligan ng mga bata. Subok na subok ko ito dahil paborito ito ng anak ko. Ito rin ang hindi talaga puwedeng mawala sa pantry ng marami sa atin. Kapag nagutom ka nga naman o naghanap ng merienda ang anak mo, hindi ka mahihilo sa paghahanap o pag-iisip ng ihahanda.
Ang kailangan lang dito ay crackers at peanut butter.
Kaya naman, para agad na may maihanda sa anak o buong pamilya, huwag kaliligtaan ang bumili ng peanut butter at crackers. Masarap din itong pang mid-night snack.
APPLE SANDWICHES
Isa pa sa hilig ng mga bata ang apple o mansanas. Kaya naman, puwedeng-puwede mo rin itong ihanda sa kanila. Hiwain lang nang pabilog ang mansanas saka lagyan ng peanut butter at gawing parang sandwich.
Simple lang, masarap pa at tiyak na mabubusog pa ang iyong mga anak.
Puwede ka ring magdagdag ng chocolate chips para sa mas level-up na sarap.
FRUIT SMOOTHIE
Maging healthy at malakas, iyan ang inaasam ng bawat magulang para sa kanilang mga anak. Kaya naman, isang paraan para maging malakas at malusog ang mga bata ay ang pagpapakain sa mga ito ng masusustansiyang pagkain kagaya nga ng gulay at prutas.
At kung hindi naman mahilig sa gulay at prutas ang iyong anak, puwede kang gumawa ng smoothie.
Gumamit din ng mga cute at makukulay na baso at straw at tiyak na maeengganyo ang mga batang tikman ito.
HAM & CHEESE SKEWERS
Panghuli sa three-minute snack na gusto kong ibahagi sa inyo ang Ham and Cheese skewers.
Siyempre, hindi naman puwedeng mawala sa kinahihiligan ng mga bata ang ham and cheese. At dahil diyan, puwede mong subukan ang meryendang ito.
Ang kailangan mo lang gawin ay hiwain ng bite-size ang ham at cheese. Pagkatapos ay tuhugin ito at puwede nang ihanda.
Maaari mo rin naman itong samahan ng prutas na makukulay para makatawag-pansin sa mga tsikiting.
Hindi naman kailangang gumastos ng mahal para lang makapaghanda ng masarap sa pamilya. Hindi rin kailangang maglaan ng matagal na panahon sa paghahanda upang mapangiti ang ating mga tsikiting. Dahil gaya nga ng ibinahagi naming tips, makapaghahanda ka na ng masasarap, abot-kaya sa bulsa sa loob lang ng tatlong minuto.
Wala nga namang imposible, basta’t madiskarte ka lang! CT SARIGUMBA