NAKUMPLETO ng University of Perpetual Help System Dalta ang NCAA men’s volleyball three-peat sa dikit na 25-21, 25-20, 22-25, 25-22 panalo kontra San Beda kahapon sa FilOil Flying V Centre.
Nagwagi ang Altas sa best-of-three championship series, 2-1, upang hilahin ang kanilang dynasty na naputol ng pandemya makaraang tanggalin ang men’s division sa huling tatlong torneo.
Naitala ng Perpetual ang ika-13 titulo overall, ang second winningest program sa likod ng 14 ng Letran.
Idinagdag ni Louie Ramirez ang Finals MVP sa kanyang season MVP plum na nauna niyang nakopo, makaraang kumana ng championship-clinching kill para sa Altas.
“Hindi ko na iniisip ‘yung winning streak namin. Sabi ng mga coaches, okay natalo tayo, hindi natin nakuha ‘yung sweep hanggang Finals. Ang gusto ni coach Sammy (Acaylar) ay makuha namin ang championship this season,” sabi ni Ramirez.
“Sobrang saya ko kasi nakuha uli namin ang kampeonato,” dagdag ni Ramirez.
Matapos ang 32-point outing sa Game 2, si Ramirez ay humataw ng 23-of-48 spikes upang tumapos na may 24 points na sinamahan ng 21 receptions.
Napantayan ni KC Andrade ang 2 blocks ni Ramirez para sa 12-point effort, umiskor din si Michael Medalla ng 12 points, habang nagdagdag si Jeff Marapoc ng 11 points para sa Altas.
Nakalikom si Ralph Cabalsa ng 12 points at 11 digs habang gumawa rin si Lorenz Calayag ng 12 points, kabilang ang 2 blocks para sa Red Spikers.