‘THRILLER’ (Lakers isinalba ng tres ni Kuzma vs Nuggets)

Kyle Kuzma

NAISALPAK ni Kyle Kuzma ang game-winning three-pointer, may four-tenths ng isang segundo ang nalalabi, upang ihatid ang Los Angeles Lakers sa kapana-panabik na 124-121 panalo laban sa Denver Nuggets kahapon sa Walt Disney World complex.

Pinutol ng  Lakers ang three-game slide upang kunin ang kanilang ikatlong panalo sa loob ng bubble.

Tumapos si Kuzma na may 25 points at 6 rebounds mula sa  bench. Tumipa si LeBron James ng 29 points at 12 assists, habang nag-ambag si Anthony Davis ng  27 points, 6 rebounds, 5 assists, 3 steals at 2 blocks para sa isang all-around effort.

Walang koponan ang kumontrol  sa laro, bagama’t kinuha ng Nuggets ang five-point advantage, 116-111, may 2:30 ang nalalabi mula sa triple ni Keita Bates-Diop.

Walong  players ang umiskor ng double figures para sa Nuggets, sa pangunguna ni PJ Dozier na may  18 points mula sa bench. Si All-Star center Nikola Jokic ay naglaro sa loob lamang ng 26 minuto at gumawa ng 12 points at 4 assists.

Ang Nuggets ay 3-3 sa loob ng  bubble. Sa kabila ng pagkatalo ay hawak na nila ang top spot sa Northwest Division.

HEAT 114, PACERS 92

Nalimitahan ng Miami Heat si TJ Warren tungo sa panalo laban sa Indiana Pacers sa kanilang ika-6 na seeding game.

Si Warren ay breakout star ng NBA restart, kung saan may average siya na  34 points sa loob ng bubble, kabilang ang 53-point outing kontra Philadelphia. Subali nalimitahan siya ng Heat, kung saan tumapos siya na may 12 points lamang sa 5-of-14 shooting.

Sa kanyang pagbabalik sa Heat ay nag-ambag si Jimmy Butler ng 19 points at  11 rebounds.

Pinutol ng Heat, kinuha na ang top spot sa Southeast Division, ang two-game slide para sa kanilang ikatlong panalo sa NBA restart.

RAPTORS 114, BUCKS 106

Nakalikom si Chris Boucher ng  25 points at  11 rebounds nang gapiin ng Toronto Raptors ang Bucks sa laro sa pagitan ng top 2 teams sa East na wala ang kanilang superstars.

Si Kyle Lowry (back) ay hindi naglaro para sa Raptors, gayundin si Giannis Antetokounmpo (oral surgery) para sa Milwaukee.

Nagdagdag si Matt Thomas ng 22 points mula sa bench para sa  Toronto, ang  No. 2 seed sa East sa likod ng Milwaukee.

MAVERICKS 122, JAZZ 114

Umiskor si Tim Hardaway Jr. ng  27 points at nalusutan ng Dallas Mavericks ang pagkawala ng 1-2 punch nito upang igupo ang Utah Jazz.

Ang Mavericks, na nasa playoffs tulad ng Jazz, ay naglaro na wala sina Luka Doncic (ankle) at Kristaps Porzingis (knee).

SUNS 128, THUNDER 101

Nagbuhos si Devin Booker ng  35 points, at na-outscore ng  Phoenix Suns ang Oklahoma City Thunder ng double digits sa bawat isa sa tatlong quarters upang maitakas ang panalo.

Naghabol ang  Suns ng 15 points sa first quarter,  37-22, subalit binura ang deficit sa second bago kinuha ang 65-64 halftime lead.

Sa third quarter ay lumayo ang Phoenix, salamat kay Booker, na naitala ang   16 sa 33 points ng kanyang koponan.

Comments are closed.