NAGPASABOG si Russell Westbrook ng game-high 41 points, at bumawi si James Harden mula sa masamang shooting night sa pamamagitan ng dalawang free throws, may 24.3 segundo ang nalalabi, upang tulungan ang Houston Rockets na walisin ang host Boston Celtics sa pamamagitan ng 111-110 overtime win noong Sabado.
Umiskor si Harden ng 21 points lamang sa 7-of-24 shooting at gumawa ng limang turnovers. Subalit ang kanyang free throws, ikalawa at ikatlo pa lamang sa laro, ang nagbigay sa Houston ng kalamangan.
Sa depensa ng Rockets ay napuwersa nito si Celtics forward Jaylen Brown na magmintis na nagselyo sa kanilang ika-6 na sunod na panalo.
Si Brown ang nagsalpak ng buzzer-beating 3-pointer na nagpuwersa sa overtime, kung saan nakuha niya ang loose ball makaraang sumablay si Jayson Tatum sa dalawang free throws, may 5.1 segundo ang nalalabi at naghahabol ang Boston sa 104-101.
Nagtuwang sina Westbrook at Harden para sa 12 rebounds at 13 assists habang nag-ambag si Robert Covington ng double-double (16 points, 16 rebounds) para sa Houston, na sinundan ang 6-for-22 3-point shooting sa first half na may 7-for-15 shooting mula sa 3-point area sa third upang burahin ang 17-point deficit. Nagdagdag si P.J. Tucker ng 13 rebounds.
Tumipa si Tatum ng 32 points at 13 rebounds para sa Boston habang nagdagdag si Brown ng 22 points. Umiskor si Marcus Smart ng 26 para sa Celtics, na nakakuha ng 15 rebounds at 3 blocks mula kay Daniel Theis.
SPURS 114,
MAGIC 113
Gumawa si Bryn Forbes ng 5 points sa late run ng San Antonio run at kumana si Trey Lyles ng season-high 20 points nang masingitan ng Spurs ang bisitang Orlando Magic.
Isang back-to-back 3-pointers nina Evan Fournier at Terrence Ross, ang huli ay may 3:18 ang nalalabi, ang nagbigay sa Magic ng 109-105 kalamangan. Subalit ang jumper ni Rudy Gay para sa San Antonio ay sinagot ng finger roll ni Markelle Fultz upang ibalik ang kalamangan sa apat na puntos.
Naisalpak ni DeMar DeRozan ang isang jumper para sa San Antonio at naipasok ni Forbes ang isa pa upang itabla ang talaan sa i11. Pagkatapos ay umiskor si Forbes ng isang 3-pointer, may 50.5 ang nalalabi, upang muling ilagay ang Spurs sa trangko sa 114-111. Isang jumper ni Fultz sa huling 40.3 segundo ang naglapit sa Magic sa isang puntos bago nagmintis si Gay sa jumper, subalit kinuha ang offensive rebound.
Nagdagdag si Gay ng 19 points para sa Spurs, habang gumawa si DeRozan ng 16, tumabo si Dejounte Murray ng 15, at nag-ambag sina Derrick White at Drew Eubanks ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod, para sa San Antonio.
GRIZZLIES 105, LAKERS 88
Nagtala si Ja Morant ng 27 points at napantayan ang kanyang career high 14 assists upang tulungan ang Memphis Grizzlies na putulin ang five-game losing streak sa pamamagitan ng panalo laban sa bisitang Los Angeles Lakers.
Kumamada si Dillon Brooks ng 24 points, at nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 22 points at 20 rebounds para sa Grizzlies, na naisalba ang huli sa apat na laro kontra Lakers ngayong season. Ito ang ikalawang sunod na 20-rebound effort ni Valanciunas.
Tangan ng Memphis ang eighth at final postseason spot sa Western Conference na may 2 1/2 games na bentahe laban sa New Orleans Pelicans.
Tumapos si LeBron James na may 19 points, 10 assists at 8 rebounds para sa Los Angeles, na naputol ang seven-game winning streak. Ang 88 points ay season low para sa Lakers, na bumabandera sa Western Conference na may 5 1/2 games na bentahe.
Sa iba pang laro ay ginapi ng Miami Heat ang Brooklyn Nets, 116-113; at pinadapa ng Atlanta Hawks ang Portland Trail Blazers, 129-117.
Comments are closed.