NAPANTAYAN ni Shai Gilgeous-Alexander ang kanyang career high na may 45 points upang pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa 120-114 panalo kontra Indiana Pacers noong Huwebes, at hilahin ang kanilang NBA win streak sa siyam na laro.
Naipasok ng 26-year-old Canadian guard ang 15-of-22 shots mula sa floor, 4-of-5 mula sa 3-point range, at ang lahat ng kanyang 11 free throws habang nagdagdag ng 7 rebounds, 8 assists, 2 blocked shots at 1 steal sa isang maestro performance.
“It’s the extra plays that put you over the edge,” wika ni Gilgeous-Alexander. “We have a group of guys that are hungry to do whatever it takes to win and that’s why we win.”
Nagdagdag si Jalen Williams ng 20 points at nakakolekta si Isaiah Hartenstein ng 11 points at 13 rebounds para sa Thunder sa kanyang ika-11 double-double sa season.
Ang Western Conference-leading Thunder ay 24-5 at hindi maawat sa kabila ng pagkatalo sa NBA Cup final sa Milwaukee na walang epekto sa regular season.
“The main thing is it’s genuine,” sabi ni Hartenstein. “We’re not coming in trying to fake something. We really all support each other.
“We’re not trying to put something on for the TV or for the world to see. We’re really supporting each other and I think that’s what makes it special.”
Nanguna si Andrew Nembhard para sa host Pacers (15-16) na may 23 points. Kinuha ng Indiana ang 61-53 half-time lead bago nanalasa ang Thunder sa second half at tinapos ang laro sa 17-7 run para sa panalo.
“We didn’t get off to the start we wanted,” ani Gilgeous-Alexander. “But that’s what good teams do, play through situations and because we did that we got the W.”
Sa Florida, isinalpak ni Tyler Herro ang isang jump shot, may 0.1 segundo ang nalalabi, upang igiya ang Miami Heat sa 89-88 panalo kontra host Orlando Magic.
Umiskor si Herro ng 20 points upang pangunahan ang Heat.
Sa Washington, umangat ang NBA-worst Wizards sa 5-23 kartada makaraang gapiin ang Charlotte, 113-110, sa likod ng 25 points ni Jordan Poole, kabilang ang go-ahead 3-pointer para sa Washington, may 8.1 segundo ang nalalabi.
Nakakuha ang host Atlanta ng 30 points at 15 rebounds mula kay Jalen Johnson at 27 points at 13 assists mula kay Trae Young sa 141-133 panalo kontra Chicago. Nabalewala ang 37 points ni Zach LaVine sa pagkatalo.
Samantala, pinabagsak ng Houston Rockets, pinangunahan ng 30 points ni Jalen Green at 27 ni Cam Whitmore mula sa bench, ang host New Orleans, 128-111.
Sa pagliban nina stars Giannis Antetokounmpo at Damian Lillard dahil sa karamdaman, ang Milwaukee Bucks ay natalo sa home sa Brooklyn, 111-105, kung saan nanguna si Cameron Johnson para sa Nets na may 29 points.
Kumamada si Zach Edey ng 21 points at 16 rebounds at nagdagdag si Jaren Jackson ng 21 points at 11 rebounds upang pamunuan ang Memphis Grizzlies laban sa bisitang Toronto, 155-126.