THUNDER KINALDAG ANG KNICKS

KUMAMADA si Shai Gilgeous-Alexander ng 33 points upang pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa kanilang ika-14 sunod na panalo sa NBA kasunod ng 117-107 home win kontra New York Knicks nitong Biyernes.

Napantayan ng Thunder ang pinakamahabang win streak sa franchise history mula 1995-96 season, noong Seattle SuperSonics sila, at pinutol ang nine-game win streak ng New York, ang pinakamahaba ng Knicks magmula noong 2013.

Ika-4 na pagkakataon pa lamang ito sa 79-year history ng NBA na nagharap ang dalawang koponan na may win streaks na siyam o higit pa.

Nagsalpak si Canadian star Gilgeous-Alexander ng 12-of-26 mula sa floor at 7-of-7 mula sa free throw line habang nagdagdag si Jalen Williams ng 20 points at gumawa si Aaron Wiggins ng 19 mula sa bench habang na-outscore ng Thunder reserves ang Knicks bench, 35-5.

“They made big plays all night,” sabi ni Gilgeous-Alexander hinggil sa kanyang bench. “We’re a roster of 15 men, 15 professionals, 15 really skilled basketball players. Guys were ready for their moment.”

Samantala, tagumpay si Frenchman Victor Wembanyama sa kanyang 100th NBA game, gumawa ng dalawang key plays ss mga huling segundo ng 113-110 panalo ng San Antonio sa Denver.

Sa bisperas ng kanyang ika-21 kaarawan, pinasahan ng 7-foot-3 (2.21m) star si Chris Paul para sa go-ahead jumper, may 54 segundo ang nalalabi, at naagaw ang pasa ni Nikola Jokic, may apat na segundo sa orasan, upang isaayos ang dunk ni Devin Vassell para sa final points.

Sa duelo ng superstar big men, si 2024 NBA Rookie of the Year Wembanyama ay nagtala ng 35 points, 18 rebounds, at 4 assists habang tumabo si three-time NBA Most Valuable Player Jokic ng 41 points, 18 rebounds, at 9 assists.

Si Wembanyama ay may makasaysayang first season, ang tanging kampanya na ang isang NBA player ay nakalikom ng mahigit 1,500 points, 700 rebounds, 250 assists, 250 blocked shots at 100 three-pointers.

Ngayong season, si “Wemby” ay may averages na 25.6 points, 10.0 rebounds, 3.9 assists, 3.9 blocked shots, at 3.3 three-pointers kada laro.

Sa iba pang laro, nalagpasan ni NBA all-time scoring leader LeBron James si Michael Jordan para sa pinakamaraming 30-point games sa kasaysayan ng NBA sa kanyang ika-563. Ang 40-year-old superstar ay umiskor ng 30 points sa 119-102 home victory ng Los Angeles Lakers kontra Atlanta.

Nakalikom si Anthony Davis ng 18 points, 17 sa first half, at 19 rebounds para sa Lakers. Nanguna si Trae Young para sa Atlanta na may 33 points.

Umangat ang NBA-best Cleveland sa 30-4 sa 134-122 victory sa Dallas, at nahila ng Cavaliers ang kanilang win streak sa 9 games sa likod ng 34 points at 10 rebounds ni Evan Mobley.

Ang Mavericks, nalasap ang ika-4 na sunod na kabiguan, ay naglaro na wala si star Luka Doncic dahil sa left calf strain.

Umiskor si Boston’s Derrick White ng 23 points habang nagdagdag sina Jayson Tatum at Payton Pritchard ng tig-20 upang bigyan ang reigning NBA champion Celtics (26-9) ng 109-86 victory sa Houston.

Nahulog ang Rockets, ginabayan ni dating Boston coach Ime Udoka, sa 22-12.

Sa matchup ng NBA’s worst clubs, umiskor si C.J. McCollum ng 50 points sa 18-of-27 shooting at ginapi ng host New Orleans ang Washington, 132-120.

Nagbuhos si Tristan da Silva ng career-high 25 points upang pangunahan ang Orlando sa 106-97 panalo sa Toronto habang kumabig si Tobias Harris ng 24 points upang pamunuan ang Detroit laban sa bisitang Charlotte. 98-94.