SINELYUHAN ni Shai Gilgeous-Alexander ang 35-point effort sa pagsalpak ng isang 14-foot jumper sa buzzer upang bigyan ang Oklahoma City Thunder ng 123-121 panalo kontra bisitang Portland Trail Blazers noong Lunes.
Tinanggap ni Gilgeous-Alexander ang inbounds pass, may tatlong segundo ang nalalabi, pumihit sa kanan at tumira ng floater na pumasok sa pagtunog ng buzzer upang ibigay sa Thunder ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Ang resulta ay sumira sa gabi ni Trail Blazers star Damian Lillard, na naging all-time leading scorer ng franchise sa third quarter. Si Lillard ay pumasok sa laro na nangangailangan ng 21 points upang lagpasan si Clyde Drexler bilang leading scorer sa kasaysayan ng Portland. Napantayan niya si Drexler sa isang 3-pointer sa kaagahan ng third quarter bago isinalpak ang pares ng free throws upang burahin ang record.
Tumapos si Lillard na may 28 points habang nagdagdag si Jerami Grant ng 26 sa pagkatalo. Walang Thunder player bukod kay Gilgeous-Alexander ang umiskor ng mahigit sa 13 points, subalit anim na iba pang Oklahoma City players ang umiskor sa double figures.
Cavaliers 122, Jazz 99
Nagbuhos si Donovan Mitchell ng 23 points upang pangunahan ang host Cleveland sa panalo kontra Utah sa kanyang unang laro laban sa kanyang dating koponan.
Ilang oras makaraang tanghaling Eastern Conference Player of the Week, naipasok ni Mitchell ang walo sa 12 shots, kabilang ang 4 of 5 mula sa arc, sa loob lamang ng 23 minuto. Umiskor siya ng 11 points at nagsalpak ng tatlong 3-pointers sa unang anim na minuto upang tulungan ang Cavaliers na maagang kontrolin ang laro.
Nagdagdag si Jarrett Allen ng 20 points at 11 rebounds, habang nagposte si Darius Garland ng 17 points at 8 assists.
Nanguna si Lauri Markkanen para sa Utah na may 24 points at 6 rebounds sa kanyang pagbabalik sa Cleveland, kung saan naglaro sita ng isang season. Naglaro ang Jazz na wala si Kelly Olynyk, na na-sideline dahil sa ankle injury.
Suns 130, Lakers 104
Tumipa si Chris Paul ng 28 points at nagbigay ng 8 assists nang gapiin ng Phoenix ang bisitang Los Angeles.
Nakalikom si Deandre Ayton ng 21 points at 11 rebounds at nagdagdag si Mikal Bridges ng 20 points para sa Suns na nanalo na wala si Devin Booker, na na-sidelined sanhi ng groin injury isang laro makaraang tumabo siya ng 58 points kontra New Orleans Pelicans.
Kumana si Dennis Schroder ng season-high 30 points para sa Lakers, na naglaro na wala sina LeBron James (ankle), Anthony Davis (foot), Russell Westbrook (foot) at Austin Reaves (ankle).
Hornets 125, Kings 119
Nagbuhos si Kelly Oubre Jr. ng team-high 31 points, isinalpak ni LaMelo Ball ang dalawang late, lead-saving 3-pointers at ginapi ng Charlotte ang host Sacramento upang putulin ang eight-game losing streak.
Tumapos si Ball na may 23 points at game-high 12 assists, na nakatulong upang ma-offset ang 28-point, 23-rebound effort ni Kings’ Domantas Sabonis.
Nag-ambag si Gordon Hayward ng 19 points para sa Hornets, at nagtala si Nick Richards ng 14 points at team-high 11 rebounds mula sa bench. Si Sacramento’s De’Aaron Fox ang leading scorer sa laro na may 37 points.