THUNDER NATAMEME SA SPURS

SPURS

NAGPASABOG si LaMarcus Aldridge ng career-high 56 points at nalusutan ng San Antonio Spurs ang triple-double ni Russell Westbrook na may 24 points, 24 rebounds at 13 assists upang igupo ang Oklahoma City Thunder, 154-147, sa double-overtime noong Huwebes ng gabi.

Tumipa si Aldridge ng 7 points sa ikalawang overtime at nagdagdag si Derrick White ng 4 points, isang steal at isang block laban kay Jerami Grant sa rim kung saan abante ang San Antonio sa 148-144, wala nang dalawang minuto ang nalalabi. Tumapos si White na may 23 points at naipasok ni Marco Belinelli ang lahat ng kanyang limang 3-point attempts habang gumawa ng 19 points para sa  Spurs, na nanalo ng pitong sunod sa home.

Naiposte ng San Antonio ang unang 14 3-pointers nito upang magtala ng  franchise record — subalit kinailangan pa rin ng dalawang overtime periods upang mapataob ang Oklahoma City.

Nahigitan ni Aldridge ang kanyang naunang career high na 45 points, na kanyang kinamada laban sa Utah noong Marso 23, 2018.

NUGGETS 121,

CLIPPERS 100

Tumirada si Nikola Jokic ng 18 points, 14 rebounds at 10 assists para sa kanyang ika-21 career triple-double at napalawig ng Nuggets ang kanilang home winning streak sa 11 sa pamamagitan ng panalo laban sa Los Angeles Clippers.

Umiskor si Jamal Murray ng 23 points, at nagdagdag si Mason Plumlee ng season-high 17 points at 12 rebounds para sa Western Conference-leading Nuggets na umangat sa 17-3 sa home.

Nanguna si Lou Williams para sa Clippers na may 19 points, at gumawa si  Danilo Gallinari ng 18 laban sa kanyang dating koponan.

HEAT 115, CELTICS 99

Nagbuhos si Dwyane  ng 19 points, nagdagdag si Josh Richardson ng 18 at bumanat ang Miami ng season-high 18 3-pointers para durugin ang Boston.

Umiskor si Derrick Jones, Jr. ng 14 points, at tumapos si Justise Winslow na may 13 points at career-best 11 assists. Nagbigay ang Miami ng 33 assists sa 45 field goals.

Nanguna si Kyrie Irving para sa Celtics na may 22 points.

KINGS 112,

PISTONS 102

Kumamada si Buddy Hield ng 18 points, nagdagdag si Willie Cauley-Stein ng  14 points at 14 rebounds, at ginapi ng Kings  ang Detroit Pistons.

Nakalikom si Iman Shumpert ng 13 points at nag-ambag si De’Aaron Fox ng 12 points at 6 assists para sa Kings, na natalo ng lima sa anim.

Gumawa si Stanley Johnson ng 16 points mula sa bench, nagdagdag si Reggie Bullock ng 15 points at tumipa si Andre Drummond ng 12 points at 11 rebounds para sa Pistons, na natalo ng apat na sunod at siyam sa 11.

Comments are closed.