ISINAPINAL ng huling araw ng regular season ang seeding para sa NBA playoffs at play-in tournament, kung saan kinuha ng Oklahoma City Thunder ang top seed sa West at magsisimula ang play-in sa Martes.
Makakaharap ng eighth-seeded Lakers ang No. 7 Pelicans sa New Orleans, isang familiar matchup na pinasimulan ng Los Angeles sa pagwawagi, 124-108, sa New Orleans noong Linggo. Ang naturang panalo ang pumigil sa Pelicans na makaiwas sa play-in tournament, at nagtapos ang Lakers sa pagwawagi sa regular-season series, 3-1.
“We have to come back with the right mentality,” wika ni New Orleans coach Willie Green. “We have to be the aggressive team. We have to be the more physical team. We have to keep them out of our paint.”
Magiging host ang No. 9 Sacramento Kings sa 10th-seeded Golden State Warriors sa Martes. Huling nagharap ang Kings at Warriors noong Jan. 25, kung saan namayani ang una, 134-133. Ang kanilang regular-season series ay nagtapos na tabla sa 2-2.
Sa Miyerkoles ay lilipat ang atensiyon sa Eastern Conference, kung saan magiging host ang No. 7 Philadelphia 76ers sa eighth-seeded Miami Heat.
Naglaho ang pag-asa ng Sixers na makuha ang top-six seed noong Linggo sa kabila ng kanilang 107-86 win laban sa Brooklyn Nets makaraang manalo rin ang Indiana Pacers. Natalo ang Heat sa kanilang huling dalawang laro sa Philadelphia, kabilang ang 109-105 decision noong April 4.
Ang nightcap sa Miyerkoles ay tatampukan ng No. 10 seed Atlanta Hawks na bibiyahe sa Chicago upang harapin ang ninth-seeded Bulls. Nagwagi ang Bulls sa season series, 2-1, subalit ang Hawks ang nagwagi sa kanilang pinakahuling laro, 113-101, noong April 1.
Ang mga magwawagi sa 7-8 games ay aabante sa playoffs bilang No. 7 seeds at makakabangga ang Denver Nuggets sa West at ang New York Knicks sa East.
Sa Biyernes ay magsasagupa ang matatalo sa Miami-Philadelphia duel at ang mananalo sa Atlanta-Chicago. Sa West, ang magwawagi sa Golden State-Sacramento ang makakaharap ng matatalo sa Los Angeles at New Orleans.
Magsisimula ang NBA playoffs sa susunod na araw sa Sabado, kung saan magiging hosts ang second-seeded Nuggets at Knicks sa kani-kanilang series. Sisimulan din ng Orlando Magic (No. 5 seed) at Cavaliers (4) ang sarili nilang series sa Cleveland, habang magiging host ang Minnesota Timberwolves (3) sa Phoenix Suns (6) sa Game 1 ng kanilang series.
Magpapatuloy ang playoffs sa Linggo kung saan magiging host ang Thunder sa final play-in winner Ng West.
Nakopo ng Oklahoma City ang top seed sa West noong Linggo kasunod ng 135-86 blowout win kontra Dallas Mavericks. Lilipad ang Mavericks, ang fifth seed sa West, upang harapin ang fourth-seeded Los Angeles Clippers.
Magiging host ang No. 1 seed Boston Celtics sa play-in winner sa East sa Biyernes, habang magsasalpukan ang No. 6 Indiana at ang No. 3 Bucks sa Milwaukee.