TIANGGE AT NIGHT MARKET SA RUSSIA

RUSSIA

SINO ang mag-aakalang uso rin ang tiang­ge, night market at maging side walk vendors  sa isang super power gaya ng Russia.

Sa ilang araw na pamamalagi ng PILIPINO Mirror Correspondent kasama ng Philippine Navy Naval Task Force 87 contingent sa Vladivostok, isa sa home port  ng Russian Pacific Fleet nang magsagawa ng official port visit ang PN BRP Tarlac LD601 ay nadiskubre na may mga Ruso rin ang nagnenegosyo sa kanilang mga plaza, lansangan, bangketa at iba pang open space na mata-tagpuan sa kalakhan ng premier east city ng Russia.

Ang kaibahan lamang nito sa Filipinas o maaaring sa ibang mga bansa rin ay organisado ang mga Ruso at malinis ang kanilang kapaligiran. Disiplinado rin ang mga mamimili at hindi sila naggigitgitan o nagsisingitan.

RUSSIA-2Isa sa magandang  halimbawa nito ang isang organized tiangge na ipinuwesto sa loob ng kanilang plaza o Central Square na kilala bilang Square for fighters of Soviet Power. Sa isang gilid lamang nila ipinuwesto ang magkakaparehong stall—pareho ang sukat at kulay, ang kaibahan lang ay ang mga uri ng paninda.

Umaga, araw ng Biyernes, ito naman ang araw kung saan sa isang bahagi ng plaza na nasa Central Square sa intersection ng Svetlanskaya Street at Okeansky Avenue ay makikita ang mga Ruso na naglalatag ng kanilang mga panindang sariwang gulay, mga bagong huling isda at ang pamosong King Crab, mga naglalakihang alimasag bukod pa sa iba’t ibang uri ng seafoods.

May mga naglalatag din ng paninda sa mga bangketa subalit may nakatakdang araw lamang at oras at ito ay sa labas na ng downtown Vladivostok o sa paligid ng Russkie Island.

RUSSIA-3Dito makikita  ang disiplina ng mga negos­yanteng Ruso dahil bukod sa pare-pareho ang kanilang stalls ay walang lumalagpas na mga paninda, tahimik din ang mga namimili at naghihintay na maasikaso ng may-ari ng puwesto o stall.

May mga tindahan din sa mga bangketa subalit iilan lamang ang mga ito. Ang kanilang mga puwesto ay sarado na napaliligiran ng glass wall.

Sa salamin ka lamang makapapamili ng iyong bibilhin at tanging sa maliit na bentanilya ka maaaring makipag-usap at magsabi sa nakabantay sa puwesto ng iyong binibili.

Sa downtown area ng Vladivostok, may mga street performer na hindi mo masasabing mga nanghihingi ng limos dahil sila ay mga disente at maayos  ang pananamit na tumutugtog ng iba’t ibang instrumento.

Para bang ibig sabihin na hindi limos ang kanilang hinihingi kundi kusang loob na pagbibigay dahil sa kanilang ta­lent na ibina-bahagi sa mga taong naglalakad sa kabuuan ng downtown area.

RUSSIA-4 Salungat naman ito sa maraming tana­win sa kalakhang Maynila na sana ay matutunang ipatupad ng mga namamahala sa gob­yerno o kaya ay kusang loob na ring ipamalas ng mga Filipino na totoong disiplinado sa tuwing nangingibang bansa.

Kabilang sa madalas na paninda sa mga Russian tiangge ay damit, make-up, mga pagkain, iba’t ibang klase ng  keso, iba’t ibang uri ng cold cuts ham, salami hotdogs, bologna at frozen beef.

Subalit sa rami ng mga nasabing paninda ay wala rito ang kinasasabikan ng mga Pinoy sa Russia—ang mga pagkaing tunay na Filipino, mga sitsirya, sardinas at noodles, sabon at shampoo at mga seasoning na ginagamit upang kahit papaano ay makapagluto sila ng putaheng Pinoy.   Text and photos by VERLIN RUIZ

Comments are closed.