TIG-4 GOLDS SA ORMOC CITY, NEGROS OCCIDENTAL

2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Visayas.jpg

ILOILO CITY –Tig-apat na gintong medalya ang agad na iniuwi ng Negros Occidental at Ormoc City upang pamunuan ang unang araw ng kompetisyon sa 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Visayas Qualifying leg na ginaganap sa iba’t ibang lugar sa paligid ng Iloilo Sports Complex.

Nahablot ng Negros Occidental ang pinakaunang gintong medalya sa multi-sports na torneo para sa in and out of school youth sa pagwawagi ni Eri-ka Salmorin sa pinakaunang event ng tatlong araw na athletics sa Girls’ 2000m walk.

Kinailangan lamang ng 14-anyos na si Salmorin na talunin ang nakalaban na si Rhyza Vaflor mula sa Escalante sa bilis na 14:16.08 upang angkinin ang pinakaunang gintong medalya na nakataya sa isang linggong torneo, pati na ang kanyang silya sa National Finals na nakatakda sa Oktubre alinman sa Ormoc City o sa Tagbilaran, Bohol.

Inialay naman ng Grade 9 student sa Romanito Maravilla, Sr. National High School at pinakabunso sa pitong magkakapatid na si Salmorin ang panalo sa kanilang 25-anyos na panganay na si Eduardo na may epilepsy.

“Gusto ko po kasing tulungan ang kapatid ko. Pambili ko po ng bulong (gamot) ang anuman na insentibong makukuha ko rito saka pati po sa probinsiya,” sabi ni Salmorin.

Sinandigan naman nina Coby Marcus Rivilla at Maria Angela Cimafranca ang masaklap na karanasan sa bagyong Yolanda upang matutong mag-aral ng swimming at sumali sa iba’t ibang kompetisyon  hindi lamang para  magwagi kundi masanay sa karanasan sakaling muling may dumating na matin­ding pagbaha.

Nagwagi si Rivilla ng ginto sa boys’ 12-and-under 200m individual medley (2:44.67s) habang si Cimafranca ay sa girls 13-15 years old 200m IM (2:44.68).

Nagdagdag din ng ginto para sa Ormoc City sina Rex dela Cruz, Jr. sa 50m backstroke gold for boys 12-and-under (35.93s) at Martina Anele Es-trella sa 50m backstroke girls 12-and-under (37.68s).

Ang tatlo pang ginto ng Negros Occidental ay nagmula kay Troy Castor na nagwagi sa boys 12-under 100m freestyle (1:07.94s), kasama sina Alex-ie Kouzenye Cabayaran na pinakauna namang nagwagi ng dalawang ginto nang madominahan ang girls’ 13-15 100m free (1:02.36) at 50m backstroke (32.01s).

Ikaapat si Jay-R Punzalan na nagwagi sa 50m back 13-15 boys sa oras na 30.61 segundo.

Comments are closed.