TIG-P1-M UTANG NG 3 DAVAO FARMERS ‘DI NA SISINGILIN

MAKAKAHINGA na ngayon nang maluwag ang tatlong agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa rehiyon ng Davao dahil binura na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mahigit P1 milyon bawat isa na kanilang mga utang.

Si Rodolfo B. Torrejos ng Barangay Sirawan, Tori District, Davao City ay nakalaya mula sa kanyang P1.827 milyon na utang dahil sa kanyang hindi nabayarang amortisasyon mula sa lupang nauna nang ipinagkaloob ng gobyerno. Si Edgardo A. Romaguera ng Barangay Ibo, Malalag, Davao Del Sur ay libre rin sa kanyang P1.529 milyong utang, habang si Rico M. Masaglang ng Barangay Malalag Tubig, Santa Maria, Davao Occidental ay nakalaya sa kanyang P1.588 milyon na utang.

Nagresulta ang pagpapatawad ng mga utang nang pangunahan ng DAR, kasama si Senadora Imee Marcos, ang pamamahagi ng 2,501 Certificate of Condonation with Release of mortgage (COCROM) sa 2,207 ARBs mula Davao City, Davao del Sur, at Davao Occidental na nag-alis sa kanila ng kolektibong pautang na nagkakahalaga ng P150.409 milyon na sumasaklaw sa 2,883.8478 ektarya.

Ang kaganapan ay nangyari noong Miyerkoles, Disyembre 11, 2024, sa Digos City Gym, Davao del Sur.

Si Moises Lidres, 63, isa sa mga nakatanggap ng COCROM mula sa Kidlawan, Davao del Sur ay nakatanggap ng kanyang Title No. 2017000276, na sumasakop sa 8,814.00 metro kwadrado na binubura ang kanyang utang na nagkakahalaga ng P112,509.45.

“Ang kondonasyong ito ay malaking tulong sa aming mga magsasaka. Hindi po ito basta papel lamang; ito po ay simbolo ng pag-asa at susi tungo sa mas magandang kinabukasan naming mga magsasaka,” aniya.

Ipinahayag ni Marcos ang kanyang pasasalamat na sa wakas ay naipamahagi na ang mga COCROM sa mga ARBs.
“Nagsimula ito noong 1972, so 52 years na nila inantay. At sa wakas, ayan, ‘yung pangako ay naibigay na. Kasi sa kasamaang palad, matapos yung termino ng tatay ko, hindi na masyadong itinuloy yung pamimigay ng titulo, samantalang yung mga magsasaka, talagang umaasa rito,” aniya.

Mula sa kabuuang 2,501 COCCROMs, namahagi ang DAR ng 443 COCROMs sa Davao City, na sumasaklaw sa 347.4042 ektarya sa 391 ARBs na nagpapatawad sa P3.420 milyon na utang. Sa Davao Sur, 1,144 COCROMs ang inisyu, na sumasaklaw sa 1,320.4762 ektarya sa 1,045 ARBs, na nagbura sa P72.659 miyong utang. At sa Davao Occidental, 914 COCROMs ang inisyu na sumasaklaw sa 1,215.9674ektarya sa 771 ARBs at bumura sa P57.059, milyong milyong utang. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA