TIGIL OPERASYON NG LTO DULOT NG COVID, PINAGDUDUDAHAN

MULING nagbigay ng panibagong anunsiyo ang Land Transportation Office (LTO) na mananatiling sarado ang kanilang compound sa mga darating pang mga araw para sa nais magkaroon ng transaksyon sa ahensiya.

Ito ay kasunod pa rin ng pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa kanilang mga empleyado at upang mabigyan ng oras para sa masinsinang paglilinis o pag- disinfect sa mga opisina.

Bukod sa LTO Central Office na sarado, apektado pa rin ang LTO NCR East kasama ang Regional Office, Diliman District Office, QC Licensing Office, (QCLO), QC Licensing Renewal Office (QCLRO), North Motor Vehicle Inspection Center (NMVIC) at Public Utility Vehicle Registration Center (PUVRC).

Nito lamang nagdaang linggo nang magsimula ang pagpapasara ng operasyon ng LTO bunsod ng Covid-19 subalit nauna pa rito, usap usapan na ang sinasabing nangyayaring kapalpakan sa loob ng ahensiya hinggil sa umano’y kabagalan ng pagkuha ng drivers license dahil sa nangyari kamakailan na biglaang pag-shutdown makaraang bumigay ang computerized system ng LTO na tinatawag na Land Transportation Management System o LTMS na inaasahan sanang magpapabilis sa mga transaksiyon sa LTO.

Napag-alamang nagdulot ng malaking abala sa mga aplikante ng lisensya ang pagbagsak ng computerize system ng LTO sa gitna pa man din ng pagpapatupad ng mahigpit na health protocols, partikular sa NCR dahil sa lumulubhang kaso ng Covid-19.

Ang LTMS ay kabilang sa P3.18 billion DOTr Road IT Project – LTO Component na naglalayong i-automate ang mga proseso ng LTO tulad ng driver’s license application at iba pa.

Ang naturang proyekto ay in-award sa Joint Venture ng isang German company na Dermalog kasama ang tatlong lokal na kompanya.

Kaya naman maraming nagrereklamo maging sa online na naperwisyo mula sa mga empleyado partikular sa mga kliyente ng LTO dahil sa biglaang pagbagal at kalauna’y pagsa-shutdown ng LTMS kung kayat duda ang iilan kung idinahilan lamang ng LTO ang pagkakaroon ng Covid-19 sa mga empleyado para pagtakpan umano ang nangyaring aberya nitong nagdaang linggo. BENJIE GOMEZ