TIGIL-PASADA LARGA NA

Efren de Luna-2

TINIYAK ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) president Efren de Luna na kanilang paparalisahin ang mga pangunahing lansangan ngayong araw sa kanilang nakatakdang nationwide strike, kasama ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).

Sa eksklusibong panayam ng PILIPINO Mirror, sinabi ni De Luna na layon nitong maiparamdam na lubhang kailangan ng gobyerno ang kanilang hanay.

Ito ay sa harap pa rin ng pa­tuloy na pinagtatalunang usa­pin ng jeepney modernization kung saan ayon kay De Luna, nakahanda silang sumunod sa pamahalaan, subalit kinakaila­ngang gawing gradual o unti-unti lamang ang naturang programa.

Sinabi ni De Luna na may ilang bagay pa silang hindi napapagkasunduan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan hanggang ngayon ay hindi pa rin, aniya, sila iniintindi ni LTFRB Chairman Martin Delgra kaugnay sa implementasyon ng programa sa susunod na taon.

Binalewala rin ni De Luna ang banta ng LTFRB na tatanggalan ng prangkisa ang mga operator na lalahok sa tigil-pasada.

“Ito nga mismo ang a­ming ipinaglalaban ‘yang plano nilang (LTFRB) tanggalan kami ng prangkisa tapos tatanggalan pa kami ng prangkisa na ‘yan,” sabi pa ni De Luna.

Napag-alamang madaling araw pa lamang ay magtitipon-tipon na ang kanilang samahan sa Quezon Memorial Circle habang ang iba namang miyembro ay sa mga pangunahing lansa­ngan sa Metro Manila, Central Luzon, Visayas at Mindanao.

Nanawagan din si De Luna sa kanyang mga kapwa operator na maging mahinahon at tiya­king magiging maayos ang kanilang kilos-protesta kasunod ang paalalang iwasang mangharang ng ibang kabarong tsuper sa lansangan para lamang sumama sa kanilang demonstrasyon.

Dahil sa inaasahang epekto ng tigil-pasada ay nagsuspinde na ng klase ang ilang lugar at eskuwelahan, kabilang ang Para­ñaque City; Pasay City; De La Salle University (Manila campus), De La Salle – College of St. Benilde (Manila at Antipolo campuses, deaf school); Colegio San Juan de Letran (Manila campus); Mapúa University (Intramuros at Makati); University of Santo Tomas; City of Manila (College at graduate school only); Majayjay, Laguna; Rizal, Laguna; Sta. Cruz, Laguna; Pampanga province; Iloilo City; Roxas, Capiz; Bacolod City; Bago, Negros Occidental; at Ta­lisay, Negros Occidental.   BENE­DICT ABAYGAR, JR.

 

Comments are closed.