TIGIL PASADA TAGUMPAY Minaliit ng DOTr, MMDA at LTFRB

tigil pasada

ITINUTURING na isang malaking tagumpay ng mga kasapi ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang isinagawang nationwide tigil pasada kahapon.

Sa isang exclusive phone interview ng PILIPINO Mirror, sinabi ni ACTO President Efren de Luna na halos 90 porsiyento ng mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at mga lalawigan ang kanilang naparalisa dulot ng transport strike ng kanilang samahan.

Gayunpaman, aniya, naging mapayapa ang kanilang idinaos na transport strike kasama rin ang Stop Central Luzon na nanguna sa ilang lalawigan upang ipa­ramdam sa pamahalaan na kailangan pansinin ang kanilang mga hinaing hinggil sa usapin ng jeepney modernization na ipatutupad sa susunod na taon.

Kasunod nito, nanawagan naman si de Luna kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng isang tunay na dayalogo at mamagitan kasama ang mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matimbang ang mga paliwanag na kanilang ipinararating.

“Solusyon ang hinahanap natin dito, hindi kami kontra sa programang mo­dernisasyon ng gobyerno, pakiusap lang namin makialam na mismo si Presidente Duterte para malaman ang aming mga karaingan,” mariing pahayag ni de Luna.

Idinagdag pa nito na handa silang gumawa ng isang position paper kaugnay ng nalalapit na jeepney modernization upang maiparating sa tanggapan ng Pangulo kung ano ang kanilang nais maipabatid kaugnay sa  nasabing programa.

Pinatutsadahan din ni de Luna si LTFRB Chairman Martin Delgra kung saan minaliit lamang ng naturang opisyal ang kanilang ginawang tigil pasada ng sabihin nitong hindi naramdaman ang naturang nationwide transport strike.

Ani de Luna, hindi lumalabas ng kanyang opisina si Delgra kung kaya’t hindi nito nalalaman ang tunay na nangyayari sa lansangan.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

STRANDED KAUNTI LANG – MMDA

Sa panig naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), iginiit nito na hindi naging matagumpay ang isinagawang nationwide transport strike.

Ayon kay MMDA spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago na kaunti lamang ang mga pasaherong na-stranded papasok sa kanilang trabaho sa ibang lugar sa Metro Manila dahil sa agad naman bumalik sa normal na sitwasyon bago pa mag-8:30 ng umaga.

“Hindi ganu’n kadami ‘yung stranded. Kung ia-assess ho natin, para ho itong Friday rush hour. Ang ine-expect po talaga namin, mag-o-occupy ng at least one lane ‘yung mga stranded na pasahero,” paha­yag ni Pialago.

Gayundin, nagpakalat ang MMDA ng mga bus na siyang magsasakay sa mga stranded na pasahero bago pa ang alas-5:00 ng madaling araw kahapon subalit karamihan sa mga pasahero ay hindi naman sumakay sa mga MMDA buses dahil sila ay papunta sa ibang ruta.

“May challenge po tayong na-encounter dahil hindi naman sinakyan ng ating commuters. Particularly, hindi ho nila route ang via EDSA,” diin pa ni Pialago.

Idinagdag pa nito, nagkaroon lamang ng pagtaas ng mga stranded na pasahero sa Philcoa dahil sa naging paralyzed ang ruta ng Philcoa sa North EDSA, Philcoa papuntang Arayat-Cubao at Philcoa patu­ngong Manila.

“Ang ginawa ho ng MMDA ay nagpadala tayo ng city buses na mag-a-address ho ng ruta na kaila­ngan nila. So nag-a-adjust ho tayo,” ani Pialago.

Ang libreng sakay ng MMDA para sa mga stranded na pasahero ay 24 araw. MARIVIC FERNANDEZ

 

KANSELASYON  NG PRANGKISA BABALA NG LTFRB

NAGBABALA ang LTFRB sa mga operator at drivers ng Public Uti­lity Jeepney (PUJs) at Uti­lity Vans (UV) express na sumama sa malawakang tigil-pasada kahapon na nasa batas na maaaring awtomatikong kanselahin ang prangkisa ng mga nakilahok sa welga ng transport groups.

Paliwanag ng LTFRB, nalinaw na nakapaloob sa Memorandum Circular 2011-044 na ang prangkisa ay isang pribilehiyo na ibi­nibigay ng gobyerno at posibleng ma-revoke kung lalabag sa panuntunan.

Nanindigan ang tanggapan na maaring  mahigpit na ipatutupad ang kanselasyon ng prangkisa bilang pagsunod sa batas.

Kaugnay nito, minaliit lamang ng DOTr at LTFRB ang pinaputok na nationwide transport strike partikular sa Metro Manila.

Ayon sa DOTr, may mga naitalang jeepney drivers at operators na naglunsad ng kanilang tigil pasada sa Welcome Rotonda, Aurora Blvd. kanto ng EDSA, Commonwealth – Philcoa at Elliptical Road – Kalayaan subalit hindi nito ganap na naparalisa ang transportasyon.

Sa mga nakalap na ulat ng DOTr ,  mula uma­ga hanggang bago mag-tanghali ay walang naita­lang stranded na pasahero sa nasabing mga lugar.

Nababatid na mala­king bagay rin ang mga pinakawalang libreng sakay ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na ang Armed Forces of the Phili­p­pines na nagpalabas ng kanilang Operation Libreng Sakay sa Kalakhang Maynila.

Nabatid na nagtalaga rin ang MMDA at LTFRB  ng mga bus para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.

Sa Maynila, naging normal din ang biyahe ng mga pasahero at walang namataang nagsasagawa ng protesta. VERLIN RUIZ

Comments are closed.