Duda si dating presidential spokesperson Rigoberto Tiglao sa pinagmulan ng perang ginamit ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na pambili ng kanyang mamahaling bag, alahas at mga relo.
Sa kanyang column sa Manila Times, sinabi ni Tiglao na nagulat siya sa ginawang pagpapakita ni Quimbo sa kanyang social media accounts ng suot niyang designer bags at mga relo habang dumadalo sa mga pagdinig ng Kamara.
Sa pagtaya ni Tiglao, aabot sa halos P100 milyon ang mga designer bag ni Quimbo gaya ng Chanel, Dior, Goyard, at Birkin, mamahaling relo gaya ng Patek Philip at Rolex, Cartier na kuwintas.
Ayon kay Tiglao, hindi kayang tustusan ng suweldo ng mambabatas ang mga mamahalin niyang gamit, lalo pa’t ordinaryong guro lang si Quimbo bago naging mambabatas.
Hindi rin naman galing sa mayamang pamilya ang napangasawa ni Quimbo na si dating Marikina congressman Miro, na dating pinuno ng PAG-IBIG noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Una nang pinuna ni dating presidential spokesperson at abogado na si Salvador Panelo kung saan kumukuha si Quimbo ng pantustos sa maluho niyang pamumuhay, gayong isa lang siyang dating guro bago naging mambabatas.
“Iyong necklace, nakita ko sa social media, I forgot the name of the brand, pinalabas ang parehong necklace. Alam mo kung magkano iyong necklace, P1.72 million,” wika ni Panelo sa kanyang TV program na “Problema Mo, Itawag Mo Kay Panelo.”
Nananawagan na rin ang netizens sa Office of the Ombudsman na isailalim si Quimbo sa lifestyle check.