NANATILING walang talo ang University of Santo Tomas at National University makaraang walisin ang dalawang laro sa UAAP Season 81 beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.
Ginapi nina reigning MVP Sisi Rondina at Babylove Barbon sina Ponggay Gaston at Jules Samonte ng Ateneo, 21-9, 21-15, bago bumalik sa afternoon session upang igupo ang tambalan nina Tin Tiamzon at Michelle Morente ng De La Salle, 21-14, 21-14, at mapalawig ng defending two-time women’s champions ang kanilang undefeated run sa tatlong laro.
Namayani sina rookies Klymince Orilleneda at Antonnete Landicho laban sa duo nina Isa Molde at Justine Dorog ng University of the Philippines, 21-19, 21-10, at kina University of the East’s Rhea Manalo at Lyen Shan Ritual, 21-15, 21-15, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Sa men’s division, ang Far Eastern University na lamang ang wala pang talong koponan, kung saan pinadapa nina Jude Garcia at Kevin Hadlocon ang tambalan nina Krung Arbasto at Jaron Requinton ng UST, 21-19, 21-18, para sa 3-0 kartada.
Patuloy naman sa pagbangon ang reigning titlist National University mula sa pagkakasilat sa opening day makaraang maitala nina MVP Bryan Ba-gunas at James Natividad ang 21-12, 21-15 panalo laban kina Kurt Aguilar at Abai Llenos ng Ateneo para sa 2-1 kartada.
Bumagsak sina Tiamzon at Morente, nadominahan sina Hannah Nicole Infante at Gracelchen Ave ng Adamson, 21-10, 21-5, sa morning session, sa 2-1.
Samantala, pumasok ang Lady Maroons at the Lady Eagles sa win column matapos ang dalawang sunod na talo.
Comments are closed.