TIGRESSES, LADY TAMS LUMAPIT SA SEMIS

TIGRESSES, LADY TAMS

Mga laro sa Sabado:

(Smart Araneta Coliseum)

8 a.m. – DLSU vs AdU (Men)

10 a.m. – Ateneo vs UE (Men)

2 p.m. – AdU vs UE (Women)

4 p.m. – Ateneo vs DLSU (Women)

NALUSUTAN ng University of Santo Tomas at Far Eastern University ang kani-kanilang katunggali upang makalapit sa pagkopo ng Final Four berths sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Filoil Flying V Centre.

Tumipa si Sisi Rondina ng 20 points at 15 digs at inilagay ng Tigresses ang kampanya ng University of the Philippines sa balag ng ala­nganin sa pamamagitan ng 25-21, 25-12, 26-24 panalo.

Nagtuwang sina Heather Guino-o at Jerrili Malabanan para sa 21 kills nang magwagi ang Lady Tamaraws sa straight-set match sa unang pagkakataon ngayong season, 25-21, 25-19, 25-22, laban sa also-ran National University.

Umangat sa 8-4 kartada, hindi lamang pinalakas ng UST at FEU ang kanilang tsansa sa semifinals, kundi maging ang pagkopo ng twice-to-beat  incentive, dahil ang dalawang traditional powerhouses ay naghahabol na lamang ngayon sa defending champion De La Salle (8-3) ng kalahating laro.

“On the right track pa rin kami. Sa amin, importante ang last two games namin. ‘Yung mga ganoong bagay, hindi namin lalagpasan, kailangang i-grab ang opportunity na ito,” wika ni coach Kungfu Reyes, na nagtatangkang igiya ang Tigresses sa kanilang ikalawang ‘Final Four’ stint sa tatlong seasons.

Samantala, kumpleto na ang men’s Final Four cast sa pagbabalik ng  Adamson University, sa likod ng 17-point, 13-dig outing ni George Labang, matapos ang two-year absence nang walisin ang also-ran UE, 27-25, 25-17, 25-15, at sinibak ng Ateneo ang  UST, 25-22, 25-17, 25-19, upang kunin ang ika-6 na sunod na ‘Final 4’ appearance.

Comments are closed.