BALIK sa porma ang University of Santo Tomas at opisyal na sinibak ang University of the East sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament playoff race.
Nanatili ang Tigresses sa kontensiyon para sa isang Final Four berth sa pamamagitan ng straight-set win, 25-20, 25-20, 25-16, laban sa Lady Warriors kahapon sa Araneta Coliseum.
Nalasap ng Lady Warriors ang ika-9 na pagkatalo, na nagpatalsik sa kanila sa playoff contention.
Muling nagbida para sa UST si rookie star Eya Laure na may 14 points mula sa 12 attacks, 1 block at 1 spike habang nagpamalas si freshman spiker Ysa Jimenez ng breakout game na may 10 points mula sa 6 attacks, 1 block at 3 aces.
Labis ang kasiyahan ni UST head coach Emilio Reyes sa ipinakita ng kanyang bench players gaya ni Jimenez.
“Maganda pa rin ‘yung naging game kahit papano. Luckily, may panibagong player kami na nag-step up sa team so that’s the beauty of it na may strong 13-woman lineup kami na any moment puwede magpalit ng tao,” wika ni Reyes.
Nanguna si Judith Abil para sa Lady Warriors na may 11 points mula sa 10 attacks at 1 block.
Makaraang bahagyang lumamang ang UE sa opening frame, 8-7, kumawala ang UST sa pangunguna ng back-to-back service aces ni Jimenez upang kunin ang 17-15 bentahe.
Naging susi sa pagkatalo ng Lady Warriors ang errors kung saan kinuha ng Tigresses ang opening frame, 25-20.
Nakontrol ng UST ang 2nd set matapos ang 8-1 run, tampok ang 3 service aces, 16-9.
Comments are closed.