DUMAUSDOS sa sahig si UST libero Det Pepito makaraang mabigong maisalba ang bola. UAAP PHOTO
Standings W L
UST 4 0
DLSU 3 1
NU 3 1
FEU 2 2
AdU 2 2
UE 1 3
Ateneo 1 3
UP 0 4
Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UE vs DLSU (Men)
12 noon – FEU vs NU (Men)
2 p.m. – UE vs DLSU (Women)
4 p.m. – FEU vs NU (Women)
NAGPAMALAS ang University of Santo Tomas ng matinding katatagan upang mapangalagaan ang kanilang malinis na marka sa UAAP women’s volleyball tournament.
Walang talo sa apat na laro, ang well-conditioned Tigresses ay nasa kanilang pinakamagandang simula magmula nang buksan ang 2010-11 season sa 6-0.
Isang reverse sweep ng traditional rival Far Eastern University, 22-25, 21-25, 25-23, 25-20, 15-7, sa harap ng 5,869 fans na inabot ng gabi noong Linggo sa Mall of Asia Arena ang nagpakita sa tunay na lakas ng UST.
Ibinuhos ng Tigresses ang kanilang lakas sa fifth set, sumandal kina substitutes Xyza Gula at Mae Coronado kasama si rookie Angge Poyos sa decider, kung saan kinapos ang Lady Tamaraws, na naitala ang 2-0 set lead at abante sa 16-12 bago ang technical timeout sa third.
“Medyo mabigat ‘yung bakbakan. Ever since naman hindi nawawala ‘yung rivalry ng UST at FEU. Pinaghandaan namin ito, siyempre, high respect sa FEU. Ine-expect namin itong ganitong bakbakan luckily, nakabalik kami sa sistema namin at pinanghawakan naman ng player namin,” sabi ni coach Kungfu Reyes.
Nanguna si Poyos para sa Tigresses na may 24 points, kabilang ang 2 blocks, at 1 ace, 5 digs at 5 receptions, habang kumana si Margaret Banagua ng match-best four blocks para sa 15-point outing. Giniba ni Gula, na pumasok bilang third substitute, ang depensa ng FEU na may 12-of-23 upang tumapos na may 13 points.
“Tinry lang po namin mabawi agad yung grit namin at aggressiveness sa court. Makikita naman sa first and second sets na wala talaga, seryoso lahat nawala yung enjoyment sa court,” sabi ni Gula.
Nakabawi si setter Cassie Carballo, na nagpakawala ng lima sa 11 service aces ng UST at gumawa ng 25 excellent sets, mula sa mabagal na simula.
“Sobrang thankful din ako na nandyan [teammates ko] for me kasi nung first and second sets, medyo nawawala ako. Ang tagal kong uminit, kumbaga. Sinabi ko talaga sa sarili ko na bumawi ng third, fourth, and fifth sets,” ani Carballo.
“Ang dami pa naming kailangang i-polish talaga. Hindi pa namin naaabot yung standard na gusto namin at gusto ng coaches. ‘Yun pa rin po yung tina-trabaho namin araw-araw.”
Si Coronado ay isa ring game changer para sa Tigresses, napantayan ang eight-point output ni Carballo at bumanat ng 3 blocks.
“Actually, ito na rin ‘yung hinihintay ng bata gaya ng last pep talk namin, sabi namin kay Mae na hintayin lang yung tamang panahon at tamang oras at dadating din naman. Ito yung araw na yun,” sabi ni Reyes.