Mga laro sa Sabado:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – UE vs UST (Men)
11 a.m. – UE vs UST (Women)
3 p.m. – FEU vs NU (Women)
5 p.m. – FEU vs NU (Men)
PATULOY sa pagkinang si rookie Regina Jurado nang walisin ng University of Santo Tomas ang Ateneo, 25-19, 25-23, 25-14, sa UAAP women’ volleyball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.
Kumana si Jurado ng 12-of-23 attacks at pinakawalan ang lahat ng kanyang tatlong service aces sa third set kung saan dinomina ng Tigresses ang Blue Eagles.
Isa itong revenge game para sa UST, na sinibak ng Ateneo sa stepladder semifinals noong nakaraang taon. Sa huli ay tumapos ang Blue Eagles sa third, pinatalsik ang Tigresses sa podium.
“Grateful po kasi lagi sinasabi ni ate Eya (Laure) sa amin na in a way parang bawian din from last season na sila po ang nanlaglag. Grateful po na kasali po ako ngayon sa win today against Ateneo,” sabi ni Jurado.
Nagdagdag si Eya Laure ng 10 points, kabilang ang powerful backrow attack na nagbigay sa UST ng 2-0 lead sa dikit na second set, 12 digs at 6 receptions, habang nag-ambag si Imee Hernandez ng 2 blocks para sa nine-point effort.
“Naka-execute kami, medyo malinis-linis ‘yung galaw namin. I think wala kaming service error today napakasarap sa pakiramdam na lalabas kami na wala masyadong unforced errors,” sabi nj coach Kungfu Reyes makaraang umangat ang Tigresses sa 4-2 sa solo fourth.
Nauna rito, kinailangan ng Far Eastern University ng limang sets para pataubin ang University of the East, 25-19, 18-25, 25-12, 22-25, 15-5, at kunin ang ikatlong panalo sa anim na laro at manatiling nakadikit sa UST.
Ang pagkatalo ay ika-4 na sunod ng Blue Eagles – at ika-5 sa anim na laro – ang pinakamasamang simula ng Katipunan-based squad.
Nanguna si Vanie Gandler para sa Ateneo na may 13 points at 7 receptions, nagpakawala si Faith Nisperos ng 11 kills habang nakalikom din si Lyann de Guzman ng 11 points, kabilang ang 2 blocks, at 5 digs.