(Tiktok nag-report ng kalaswaan) KABATAAN PINARERENDAHAN SA PAGGAMIT NG SOCMED

Social Media

NAGPAALALA ang Phi­lippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa mga magulang at mga guardian na rendahan ang kanilang mga anak hinggil sa paggamit ng social media gayundin ang pakikipagkaibigan na nakikilala sa online gaming.

Ginawa ng PNP-ACG ang panawagan kasunod ng pagkakaligtas sa mga  magkakapatid na nasa edad 3 hanggang 8 sa Sta. Mesa na umano’y nag-upload ng video sa Tiktok ng maseselang parte ng kanilang katawan.

Kasunod nito, nakatanggap ang awtoridad ng impormasyon sa Cyber Tip Line report ng Tiktok at National Center For Missing And Exploited Children, kaugnay sa maselang video na nai-upload online.

Sinabi ni Lt Wallen Mae Arancillo, Anti-Cyber­crime Group spokesperson na nakita as video ang batang lalaki na bini-video yung kanyang nakababatang kapatid na nakalabas ang private part.

“Nakita dito sa video yung 8-year-old  na batang lalaki bini-video ‘yung kanyang nakakabatang kapatid niya which is 7 years old na nilalabas yung mga private parts and worse, ‘yung 3 years old nila na kapatid na babae ay nanood din and ang nangyari dito gamit yung cell phone ng nanay at yung account ng eldest sister nila na minor din ay na post ito sa Tiktok account kaya agad naman si Tiktok nag-report sa agency,” ayon kay Arancillo.

Nasa pangangalaga ngayon ng social workers ang mga bata na sumasailalim sa counseling.

Patuloy namang iniimbestigahan ng awtoridad ang posibleng pananagutan ng mga magulang sa ilalim ng batas.

Panawagan pa ng awtoridad na laging bantayan ng mga nakatatanda ang kanilang mga anak o ina­lagaan upang hindi mapahamak at masangkot sa kalaswaan.

Babala pa ng awtoridad, sinumang sangkot sa ganitong aktibidad ay maa­ring maharap sa kasong paglabag sa RA 11930 o Anti-Online Sexual Abuse Or Exploitation Of Children at paglabag Republic Act Number  9995 o ang Anti-Photo and Voyeurism.

EUNICE CELARIO