(Tiktokers vs BBM kilala na) TRACKER TEAM IKINASA NG PNP

NAGKASA ng tracker team ang pamunuan ng Philippine National Police matapos na tuluyang matukoy ang may ari ng Tiktok account na nasa likod ng assassination plot laban kay presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos.

Ito ang kinumpirma ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos sa isang pulong ba­litaan sa Camp Crame.

Pansamantalang hindi muna pinangalanan ni Carlos ang taong nasa likod nito habang patuloy ang ginagawang case build-up kaugnay sa gagawing pagsasampa ng pormal na reklamo.

Sinasabing kasalu­kuyang nagsasagawa ngayon ng digital trail kanilang mga cyber forensic expert para sa pagsasampa ng kaso at para sa paglalabas ng warrant of arrest.

Kaugnay sa pagbibigay seguridad sa mga political VIP’s inihayag ng heneral na bukod kay BBM ay wala pa silang reklamo na natatanggap mula sa ibang kandidato na sila rin ay may death threat.

Hindi kinumpirma ng PNP kung may kakayanan nga ba ang sinasabing Tiktoker na isagawa ang bantang pagpatay.

Sa pagsasalarawan ng PNP Anti-Cybercrime Group ay sinasabing ang Tiktok users ay isang “public account na kinakitaan ng pagsuporta sa Kabataan Party List Account. VERLIN RUIZ