Dinumog ang bagsak presyong tilapia sa Buhi Fishport sa Camarines Sur matapos ibenta ito ng P20 na lamang kada kilo sa dating presyo na P100 kada kilo.
Ayon sa Lake Development Office, ang pagbagsak presyo ng mga mangingisda ng tilapia ay dahil sa nangyari umanong fish kill sa Lake Buhi na resulta ng low oxygen level sa lawa.
Napilitan ang fish cage operators na maagang hanguin ang mga alaga nilang tilapia para ibenta.
Ayon sa mga mangingisda, lugi man ay mas mabuti na kaysa hindi mapakinabangan.Tinatayang nasa 25 fish cage operators ang apektado ng insidente.
Nagsagawa na ng water sampling sa lawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources(BFAR) para matukoy ang sanhi ng fish kill.
Mataas na ammonia level umano at low dissolved oxygen ang lumabas sa laboratory results ng Fisheries Integrated Laboratory ng BFAR sa water samples galing sa Lake Buhi.
Ayon sa BFAR, isa sa mga dahilan sa pagbaba ng dissolved oxygen sa Lake Buhi ay dahil sa epekto ng habagat.Samantalang ang mataas na ammonia level naman sa lawa ay dulot ng mga tira tira sa mga ipinakakain sa mga isda.
Posibleng naipon ang mga tirang pagkain ng isda sa ilalim ng lawa hanggang ang mga ito ay naging toxic substance na naging dahilan ng pagkamatay ng mga tilapia.
Sa datus ng BFAR , limang mga barangay sa lugar ang apektado ng fish kill na nagsimula noong Hulyo 23.
“Ang BFAR po sa ngayon ang recommendation ay tanggalin ang mga fish carcasses o yung mga namatay na isda na andyan sa Lake.Importanteng tanggalin at ilibing para maiwasan ang pagbaba ng lake water quality, ”ang sabi ni Rowena Bricia Briones,Spokesperson, BFAR Bicol.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA