NABUNYAG sa Senado ang iba’t ibang ilegal na transaksiyon sa New Bilibid Prison sa ikalimang pagdinig hinggil pa rin sa kontrobersiyal na pagbibigay ng good conduct time allowance sa mga hindi eligible na mga person deprived of liberty.
Ito ay makaraang tumestigo si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer in charge Rafael Ragos sa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga anomalyang nagaganap sa Bilibid.
Ayon kay Ragos na maraming iba’t ibang uri ng korupsiyon at money-making schemes ang nangyayari sa piitan.
“Sa loob ng maximum [security compound], maraming unusual transactions regarding money making,” ani Ragos.
Pahayag pa ni Ragos na nakapagpapasok at nakapagpapa-overnight ng “Tilapia” ang mga high-profile inmate sa Bilibid.
Ang “Tilapia” ay code name na ginagamit na ang ibig sabihin ay “babae”.
Dagdag pa nito na ang mga high-profile inmate ay nagbabayad ng P30,000 sa bawat babaeng ipinapasok at pinapag-overnight sa Bilibid.
Ang mga babaeng ipinapasok ay kalaunan nagiging girlfriend o asawa ng mga preso.
“For example, ‘yung ‘Tilapia’ nakakapagpasok sila riyan. [Ang ‘Tilapia’] Babae. Para sa mga high-profile, magpapasok ng babae tapos ‘yun ang ginagamit ng mga high-profile. Nag-e-enjoy sila sa mga babae,” wika ni Ragos kay Senador Panfilo Lacson.
“Usually napapalusot ‘yan ng mga guard eh,” dagdag pa nito.
Isa pa aniyang pinagkakakitaan sa Bilibid ay ang kidnapping.
Sa katunayan, ang high-profile inamte na si Peter Co ay isa sa mga convict na madalas nakatatanggap ng bisita.
Kinikidnap din aniya ang mga babae ng mga high-profile inmate na nagtatangkang lumabas ng Bilibid.
Sa loob umano ng Bilibid magaganap ang negosasyon at kapag nakabayad ng P200,000 ay saka lang palalayain ang biktima.
Isiniwalat din nito ang mga hub para sa pagsusugal kung saan, halos 24 oras ang operasyon nito.
Si Ragos, ay una na ring naging testigo sa drug case laban kay Senadora Leila de Lima, at nasa ilalim ng Witness Protection Program. Binigyan din ito ng legislative communiy para sa kanyang naging testimonya. VICKY CERVALES
Comments are closed.