TILAPIA, PESTE RAW SA IBANG PARTE NG AUSTRALIA

magkape muna tayo ulit

Wow naman. Ang isdang tilapia, tinuturing natin sa Pilipinas bilang isa sa pinakamura at masarap na isda, ay ipinagbabawal pala sa Queensland, Australia kapag ito ay nahuli sa kanilang mga ilog at lawa.

Ayon sa federal government ng Queensland, ang isdang tilapia ay isang ‘invasive species’ o dayuhan na hayop na maaaring makasira ng orihinal na biodiversity ng kanilang lugar. Ang ibig sabihin nito, mabilis lumaki ang populasyon ng tilapia sa mga ilog at lawa na nagdudulot ng kawalan ng mga ibang isda na likas mula sa Australia.

Alam naman natin na ang tilapia ay isang popular na pagkain sa karamihan ng bansa sa buong mundo. Subalit sa estado ng Queensland, ito ay peste at hindi maaaring kainin. Tsk, tsk, tsk.

Ayon sa kanilang batas, ang tilapia ay hindi maaaring kainin, ibenta o gawing isang alaga sa aquarium. Ngunit pinapayagan mag- angkat ng tilapia mula sa ibang bansa bilang isang frozen good.

Ang tilapia ay katutubo sa mga bansang mula sa Africa, India at Central America. Kaya naman malinaw na madaling mabuhay ang nasabing isda sa klimang mainit. Ang Queensland kasi ay nasa parteng taas ng Australia kung saan medyo mainit ang klima. Ito ang marahil na dahilan kung bakit madaling mabuhay ang tilapia sa kanilang lugar.

Subalit tila lumalakas ang panawagan sa iba’t ibang sektor sa Queensland na pag-aralan at repasuhin ang nasabing batas laban sa paghuli ng tilapia sa kanilang mga ilog at lawa. Para sa kanila, tila malabo o hindi magtatagumpay ang pag-alis ng tilapia sa kanilang lugar bilang isang ‘invasive species’. Mas mainam daw na payagan ang kanilang mga mamamayan na mangisda ng tilapia at kainin at maranasan ang sarap ng nasabing isda tulad ng mga ibang tao sa mundo.

Nakapanghihina­yang nga naman. Nan­dyan na ang grasya sa iyong harapan. Libreng hulihin at kainin, subalit bawal. Taglay ng tilapia ang masustansyang protina. Madaling hulihin ang tilapia. Kaya naman marahil ito ang pananaw ng ibang mamamayan ng Queensland na baguhin ang batas laban sa nasabing isda.

Dito sa Pilipinas at sa ibang bansa ng Southeast Asia, ang tilapia farming ay isang lumalagong industriya. Sa katunayan, ayon sa United Nations’ Food and Agriculture Organization, ang Thailand ay lumalakas bilang isa sa mga international suppliers ng tilapia sa iba’t ibang parte ng mundo tulad ng China, United States, Brazil at Indonesia. Ang tilapia kasi ay madaling alagaan. Hindi kasi maselan kahit siksikan na sila sa isang fish farm.

Kaya naman ako ay nagtataka. Hindi ba mas mabuti kapag ang pamahalaan ng Queensland ay payagan ang operas­yon ng tilapia fish farming sa kanilang lugar? Imbes na ipagbawal, gawin nilang industriya tulad sa ibang bansa  at mag-export sila ng tilapia?

Nakatulong na ito sa kanilang ekonomiya at mas matutuwa pa ang kanilang mga mamamayan na mangisda ng tilapia. Makakabawas pa ang populasyon ng tilapia sa kanilang mga lawa at ilog. Ano sa tingin ninyo?