TIMBANGAN NG BAYAN ACT

PARANG kabute pa ring nagsulputan sa mga palengke at bangketa ang mga prutas na imported tulad ng mansanas, peras, ubas, ponkan, orange at marami pang iba.

Maliban sa dapat mag-ingat sa pagbili ng prutas at maaaring na-ineksiyunan lang daw para magmukhang sariwa ay dapat na maging listo rin ang mga mamimili at baka dinadaya raw sila sa timbang.

Walang pinipiling panahon o tao ang mga manloloko at mandaraya.

Naglipana sila sa mga palengke.

Sila ‘yung mga nandadaya sa kanilang timbangan.

Akala ng mga mamimili ay husto sa kilo ang nabili nila.

Subalit magugulat sila dahil malaki pala ang kulang.

Gaya noong isang kakilala na bumili ng kalahating kilong hipon sa isang palengke sa Santa Rosa City, Laguna.

Sapagkat duda nga siya kung tamang timbang ito, muli niya itong tinimbang pagdating ng bahay at laking gulat ng mama nang umabot lamang ito ng 422 grams na dapat sana’y 500 grams dahil kalahati nga ito.

Ibig sabihin, nadaya siya ng 78 grams. Mukhang hindi epektibo ang kampanya ng Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga palyadong weighing scales.

Kaya napapanahon ang pagratipika ng Kongreso sa bicameral report ukol sa Timbangan ng Bayan bill.

Layon ng bill na mabigyan ng tamang tool ang mga Pilipino para makumpirma ang accuracy ng dami at sukat ng mga produktong nabibili sa mga pribado at pampublikong wet markets, dry markets, tiangges, at kahit sa grocery stores at supermarkets.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7394 o Consumer Act ang tanging proteksiyon ng consumers ay ang testing at calibration ng mga timbangan kada anim na buwan ng local treasurer na nakatalaga bilang official sealer.

Ang parusa sa ilalim ng batas, nasa P200,000 lamang kaya marahil ay tila hindi takot ang mga mandarayang vendor.

Sa kasalukuyang sitwasyon, umaasa lamang ang mga consumer sa accuracy ng timbangan ng regular at pinagkakatiwalaan nilang tindero’t tindera.

Sinasabing sa pamamagitan ng Timbangan ng Bayan sa lahat ng mga merkado, magkakaroon na ng pagkakataon ang mga consumer na ma-double check kaagad ang bigat o dami ng mga nabibili nilang produkto.

Sakaling maisabatas, magtatayo ng Timbangan ng Bayan Centers na pamamahalaan ng market supervisor at maglalatag ng timbangan ng bayan instruments.

Ililista rin ng supervisor ang mga produktong wala sa tamang timbang o sukat.

Ang mapatutunayang lumabag sa batas ay papatawan ng parusang papalo mula P50,000 hanggang P300,000. Maaari ring makulong ng hindi hihigit sa limang taon.

Ang bill ay nakatakdang isumite na raw sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte para malagdaan.

Mahalaga ang batas na ito upang maprotektahan ang mga mamimili.

Talagang sanay na sanay na kasi sa pandaraya ang ilang vendors.

Ang ibang customer, pinapatimbang sa iba ang nabibili nilang prutas para matiyak na hindi sila maiisahan.

May mga timbangang bayan ang mga palengke na tama sa sukat pero wala ito sa ibang pamilihan.

Ang masama, kapag nabuking ang tindero ay panay ang tanggi lalo na kung may kasamang pulis ang nagrereklamo.

Kapag nakalayo na ang alagad ng batas na dala ang nakumpiskang timbangan, ilalabas na ng mandarayang vendor ang reserbang timbangan na palyado rin.

Hangga’t hindi naipapasa ang timbangan bill ay magpapatuloy sila sa pandaraya.

Mag-ingat po tayo sa manloloko at mandarayang vendors.