BATANGAS- NAKALIGTAS sa kamatayan ang isang 56-anyos na tiyuhin matapos pagsasaksakin ng kanyang pamangkin sa Rosario sa lalawigang ito Sabado ng madaling araw.
Kinilala ng mga rumespondeng pulis ang biktima na si Efren Gruta, may- asawa at residente ng Barangay Marilag, ng nasabing bayan.
Ayon kay Col. Pedro Soliba, Batangas police director, ang suspek ay si Rodney Gruta, 28-anyos, may- asawa ng nabanggit din lugar.
Base sa pahayag ng mga kaanak ng dalawa, matagal na umanong may hidwaan sina Rodney at Efren kung saan mainit umano ang pagtrato ng suspek sa biktima sa tuwing magkikita ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, galing umano sa isang inuman ang biktima at sinamahan ito ang isang kaibigan para ihatid sa bahay nang sundan ng suspek na nagtago sa isang madilim na lugar kung saan dadaan ang tiyuhin.
Nabatid na makalipas ang ilang sandali, pinagsasaksak na umano ng pamangkin ang kanyang tiyuhin nang makita nito na wala itong kasama sa paglalakad.
Ayon sa pulisya, isang tawag sa telepono ang natanggap ng kanilang himpilan mula sa MVM hospital tungkol sa isang duguang biktima na isinugod sa emergency ward.
Sa ginawang follow- up operation, agad nadakip ang suspek sa pinagtataguan nitong bahay at ikinulong sa himpilan ng pulisya.
Sasampahan ang suspek ng kasong frustrated homicide.
ARMAN CAMBE