IBINUNYAG kahapon ni National Capital Region Police Office chief Major General Guillermo Eleazar na nakikipag-coordinate na sila sa foreign counterparts kasama ang concerned agencies upang mahuli ang tinaguriang “drug queen” na si Guia Gomez Castro matapos makumpirmang nasa Amerika ito at nagtatago.
Ayon pa kay Eleazar bukod sa tinguriang drug queen na si Castro, ang kanyang kapatid na isang rouge cop na dawit din sa drug recycling ay pumunta na rin sa Amerika upang magtago.
“She left the country on September 21. That was two or three days I think after the hearing in the Senate that the ‘drug queen’ was mentioned. During that time, her name was not mentioned yet,” pahayag ni Eleazar.
“Los Angeles ang kanilang point of entry and the Quad Interforce, through the concerned agencies are now coordinating with our foreign counterparts in order to address the situation,” dagdag pa nito.
Pahayag pa ni Eleazar na alam ni Casto na may warrant of arrest na siya at sinabihan na ang mga kamag-anak na sumuko na.
“Alam niya ba may warrant of arrest siya? Now that she’s in the United States, we have an extradition treaty, so for sure lumiit na ‘yung mundo niya at makakabuti na siguro bumalik na lang siya, sumuko,” ayon kay Eleazar.
Lumabas sa kanilang monitoring na pumunta rin si Castro sa Taiwan bago ito tumungo sa Estados Unidos.
Dagdag pa nito na nagsasagawa rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng financial investigation sa dating pinuno ng barangay.
Aniya, iniimbestigahan din ang mga kamag-anak ni Castro gayundin ang mga tumulong para ito ay makatakas.
Matatandaan na ang dating chairwoman ng Barangay 484 sa Sampaloc, Manila na si Castro ang sinasabing kasabwat ng mga “ninja cops” sa pagbebenta ng mga drogang nakumpiska sa operasyon ng mga pulisya.
Itinanggi naman ni Castro ang alegasyon sa kanya at pinili umano nitong manahimik para sa kanilang kaligtasan
“Hindi ko alam kung saan-saan nila pinagkukuha ‘yang mga sinasabi nilang link sa akin. God knows ni hindi ko kilala ‘yang mga ‘yan,” pahayag ni Castro na pinadala niya sa isang malapit na tao sa kanya.
“Kung ang pananahimik kapalit ng kaligtasan ko sampu ng pamilya ko, mas nanaisin kong manahimik. Hindi ko na priority ang iisipin ng iba. Kung guilty ako sa paningin nila, so be it,” pahayag pa ni Castro. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.