MAHIGPIT ang paalala ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa lahat ng mga ospital sa bansa, partikular na ang mga pampublikong pagamutan, na gawing prayoridad at tutukan ng pansin ang mga pasyenteng tinamaan ng dengue.
Sa kanyang personal na pagbisita sa San Lazaro Hospital kahapon upang makita ang sitwasyon ng mga dengue patient na naka-confine roon, sinabi ng kalihim na dapat na may express lanes ang mga pagamutan kung saan maaaring idiretso at kaagad na mabigyang-pansin ang mga dengue patients.
Sa San Lazaro Hospital pa lamang aniya ay aabot sa 45-pasyente ang naka-confine dahil sa dengue at 35 sa mga ito ay pawang mga bata.
Sa Metro Manila ay nasa 8,191 ang bilang ng kaso ng dengue mula noong Enero 1 hanggang Hunyo 2019.
Aniya, mas mababa ito ng 13% kumpara sa naitala nilang dengue cases noong nakalipas na taon.
Sa Maynila naman, mula sa 1,087 kaso na naitala noong 2018, bumaba na ito sa 856 kaso para sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Matatandaang nitong Lunes ay nagdeklara na ang DOH ng National Dengue Alert sa bansa matapos na makapagtala ng mabilis na pagdami ng dengue cases.
Batay sa datos ng DOH, mula lamang Enero hanggang Hunyo 29 ay umakyat na sa 106,630 kaso, kabilang ang 450 nasawi sa sakit, o mas mataas ng 85% kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang taon.
Ayon kay Duque, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdeklara sila ng national dengue alert upang mabalaan ang publiko laban sa naturang karamdaman na maaaring makamatay.
Nabatid na pinakamaraming naitalang dengue cases sa Western Visayas na umabot ng 13,164 kaso, sumunod ang Calabarzon (11,474 cases), Central Visayas (9,199 cases), Soccsksargen (9,107 cases), at Northern Mindanao (8,739 cases), na lumampas na sa epidemic threshold.
Mahigpit naman ang isinasagawang monitoring ng DOH sa sitwasyon sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region, na lumampas naman sa alert threshold.
Nilinaw na ni Duque na wala namang national epidemic ng sakit, kundi localized epidemic lamang.
“We don’t have a national epidemic. It’s localized,” aniya pa. ANA HERNANDEZ
Comments are closed.