TINAMAAN NG KIDLAT: 1 PATAY, ISA SUGATAN

CAVITE- NAUWI sa disgrasya ang outing ng isang pamilya sa isang beach nang tamaan ng kidlat ang dalawang menor de edad habang nagtatampisaw sa dalampasigan sa Barangay Kapipisa, Tanza sa lalawigang ito nitong Martes ng umaga.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na si John Roldan Ignale, 10-anyos samantalang nagpapagamot naman sa ospital ang 11- anyos na pinsan nito.

Ayon kay Don Simon, Tanza Municipal Di­saster Risk Reduction Management officer, agad na binawian ng buhay ang biktima dahil sumentro sa dibdib ng bata ang lakas ng boltahe ng kidlat.

Nagkaroon naman ng electric shock ang isa pang bata at patuloy na nagpapagaling sa pagamutan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, masama na umano ang lagay ng panahon at malakas ang ulan sa lugar nang dumating ang mga maliligo sa dagat.

Nagbadya lang umanong kumulog at kumidlat bandang tanghali at marami sa mga naliligo ang nagsipagtago sa kani-kanilang inupahang cottages.

Base sa pahayag ng pamilya ng biktima, umahon na umano mula sa tubig ang dalawang bata at naglalakad papunta sa cottage nang biglang pumutok ang malakas na kidlat at tinamaan ang mga biktima.

Mabilis umanong binuhat ang dalawang bata para isugod sa ospital subalit agad binawian ng buhay ang isa sa mga ito. ARMAN CAMBE