KALINGA- AGAD na binawian ng buhay ang dalawang sundalo habang sugatan ang apat na iba pang kasamahan matapos na tamaan ng kidlat habang sila’y nagsasagawa ng manhunt operation sa mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil sa lalawigang ito.
Kinilala ang dalawang nasawi na sina Cpl Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela at PFC Inmongog Aronchay mula sa Sadanga, Mt. Province.
Habang ang mga sugatan ay sina Sgt Dennis Bananao ng Tanudan, Kalinga; PFC Melvin Danggalan ng Paracelis, Mt. Province; PFC Abegil Awingan mula sa Pinukpuk, Kalinga at PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga.
Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon nang abutan ang mga biktima ng masamang panahon na may malalakas na pagkulog at pagkidlat na hindi naman naging hadlang sa tropa ng 54th Infantry Battalion sa kanilang isinasagawang manhunt operations o pagtugis sa mga makakaliwang grupo sa lugar.
Subali’t ang pagtugon ng mga biktima sa kanilang tungkulin ay nauwi sa malagim na trahedya at hindi sa engkwentro namatay kundi tinamaan ng matalim na kidlat ang mga sundalo na agad na ikinasawi nina Monterubio at Aronchay habang ang apat pang kasamahan nito ay sugatan at patuloy pang inoobserbahan sa pagamutan.
EVELYN GARCIA