TINAMAAN NG KIDLAT, MAGPINSAN TODAS

BATAAN-DEAD on the spot ang dalawang lalaki habang isinugod sa pagamutan ang nakatatandang kasama ng mga biktima matapos tamaan ang mga ito ng malakas na kidlat sa pinapasukang farm sa Purok 1 Barangay Palili, Samal.

Sa ulat ni Samal Municipal Police Station Chief Major Jimmy Albert Decin kay Bataan Police Director Col.Palmer Tria, kinilala ang mga nasawing magpinsan na sina Kevin Elvin Sacris, 26-anyos at Kevin Sacris, 21-anyos habang isinugod sa pagamutan ang nakakatanda nilang kasama na si Eddie Sacris, 40-anyos, pawang mga residente sa nasabing lugar.

Nabatid na dakong alas-12 ng tanghali nitong Biyernes nang maganap ang insidente sa pinapasukan farm ng mag-amang Eddie at Kevin at kaanak nilang si Elvin.

Makulimlim daw ang kalangitan sa mga oras na bago kumulog at kumidlat ng malakas kung saan tumama sa tatlo na nasa pahingaang kubo sa farm.

Agad namatay ang magpinsang sina Kevin at Elvin matapos mapuruhan sa lakas ng tama ng kidlat na naabutang nakahandusay at wala ng buhay nang maabutan ng mga awtoridad.

Isinugod naman sa pagamutan si Eddie ng rumespondeng Rescuers ng Metropolitan Bataan Development Authority (MBDA) at inoobserbahan pa ang kalagayan nito sanhi ng tinamong tama sa kidlat.
ROEL TARAYAO