QUEZON-TODAS ang isang magsasaka samantalang malubhang nasugatan ang isang barangay kapitan matapos na tamaan ng kidlat habang nakasilong sa isang rest house sa gitna ng palayan sa Brgy. Ilayang Nangka, Tayabas City nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Lt. Col. Bonna Obmerga, hepe ng Tayabas PNP ang nasawi na si Romeo Sayam, 30-anyos, at residente ng nasabing barangay habang sugatan naman si Brgy. Chairman na si Rowell Cabuyao Dela Torre, 37-anyos.
Base sa report ng Tayabas City Police, dahil sa biglang umulan ng malakas sa lugar sumilong ang dalawa sa rest house na pag-aari ng kapitan nang biglang gumuhit ang matatalim na kidlat at nahagip sila dakong alas-3:30 ng hapon.
Nagtamo ng mga sugat at paso sa katawan ang dalawa na agad naman isinugod sa Tayabas Community Hospital subalit binawian ng buhay ang magsasaka habang nilalapatan ng lunas.
Kasalukuyan namang nasa Intensive Care Unit (ICU) pa ang barangay chairman. BONG RIVERA