PANSAMANTALANG nakalaya ang 83 magsasaka o mas kilala bilang “Tinang 83” na isang land reform advocates group matapos na makapaglagak ng kanilang piyansa.
Magugunitang dinakip ang mga magsasaka matapos na taniman ng gulay ang isang bahagi ng Hacienda Tinang sa bayan ng Concepcion sa Tarlac.
Dahilan upang magpasaklolo na rin ang mga magsasaka sa Commission on Human Rights matapos kasuhan ng malicious mischief at illegal assembly.
Nanindigan naman si PNP Officer-in-Charge PLt. Gen. Vicente Danao na kumilos lamang ng naayon sa batas ang mga pulis nang arestuhin nila ang mahigit 90 indibidwal na nagsagawa umano ng panggugulo sa Hacienda Tinang.
Paliwanag ni Lt. Gen. Danao, ang mga inaresto ay isinailalim sa kustodiya dahil sa alegasyon ng malicious mischief, direct assault, disobedience and resistance to persons in authority, obstruction of justice, at illegal assembly.
Sinasabing ibinatay ito sa reklamo ng mga magsasakang residente ng Barangay Tinang, Concepcion, na sinira ang kanilang mga pananim ng mga miyembro ng Kadamay, Anakpawis at iba pang mga nagtangkang puwersahang umokupa ng kanilang sakahan.
“Yung ginawa ng mga militanteng grupo na pagbungkal sa mga mais na nakatanim sa bukid ng may bukid na gusto nilang sakupin ay sadyang hindi makatarungan,” anang opisyal.
Binigyang diin ng heneral na walang pinapanigan ang PNP pagdating sa “land disputes” at tutulong lang sa pagpapatupad ng mga lehitimong kautusan ng korte.
Kaugnay nito, nakatakdang rebisahin ng agrarian authorities ang sinasabing land dispute na nagresulta sa pagkakadakip sa mga magsasaka at land reform advocates.
Samantala, balak ng mga magsasakang maghain ng kontra demanda laban sa mga pulis kaugnay sa umano’y mga paglabag sa hanay ng kapulisan na nagsagawa ng pag-aresto. VERLIN RUIZ