(Tinaniman ng sari-saring gulay) NAKATIWANGWANG NA LUPA SINAKAHAN

RIZAL- NAGSAGAWA ang Department of Science and Technology at Angono Local Government Unit ng nagkakaisang hakbang para magkaroon ng malawak na sakahan ang small farmers sa lalawigang ito.

Dahil sa kahilingan ng Angono New Normal Farmers Association” (ANNFA) napakiusapan ang DOST- CALABARZON, DOST – RIZAL at Angono LGU na tataniman ng mga magsasaka ang mga nakatiwangwang na lupain ang may-ari ng lote sa Hillsdale Subdivision, Brgy. Botong Francisco, Angono, Rizal.

Ayon sa DOST mismong ang mag-amang sina Mayor Jeri Mae at Vice Mayor Jerry Calderon ng Angono ang namagitan sa ANNFA at may-ari ng lote upang mapagtaminan ng sari-saring gulay ang mga tiwangwang na lupain.

Pinagkalooban din ng DOST-CALABARZON at DOST-RIZAL ang naturang organisasyon ng kagamitang pansaka, mga binhi, abono, patubig at isinailalim din sila sa pagsasanay sa tamang paraan ng pagbubungkal ng lupa at pagtatanim.

Kamakailan lang ay idinaos ng ANNFA ang ikalawang anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang samahan na nabuo noong kasagsagan ng lockdown dahil COVID-19 pandemic.

Naging panauhin sina DOST-RIZAL Director Fernando Ablaza, Municipal Agriculture Office Oic Director Joel Tuplano, Municipal Councilor Elena Ibanes, Arvin Villamayor at ang Pamamarizan Rizal Press Corps na nagpahayag ng kanilang suporta at pagbati sa anibersaryo ng ANNFA.

Sa ngayon ay malawak na ang nararating ng mga libo libong gulay na kanilang inaani tulad mg mga talbos, talong , okra, at marami pang klaseng gulay . ELMA MORALES