TINAPANG BANGUS PASTA: SUBUKAN NANG MAIBA NAMAN

TINAPANG BANGUS PASTA

KARANIWAN sa ating mga handaan ang pasta. Tuwing may birthday nandiyan ang pansit o spaghetti. Siyempre, sa ating paniniwala ay mas makahahaba ito ng buhay. Pero bukod doon ay masarap naman talaga ang mga nakasanayan nating timpla ng pasta lalo pa kung mahal natin sa buhay ang naghanda.
Bukod sa sikat sa atin ang pansit o spag­hetti, karamihan ay nahihilig na rin sa carbonara. Kung gusto ng ibang lasa, kulay at timpla, ito ang ating pini­piling ihain sa pamilya. Ang makremang lasa at masarap na bacon o ham, samahan mo pa ng keso ay talaga namang pagkasarap-sarap.
Pero may iba pang way para maiba naman nang kaunti ang timpla ng carbonara pero swak pa rin sa panlasang Pinoy dahil hindi karne ng baboy o manok ang isasahog natin sa creamy pasta kundi tinapang bangus. Kakaiba pero Pinoy na Pinoy pa rin ang da­ting, hindi ba?

TINAPANG BANGUS PASTA RECIPE

Mga kakailanganin:TINAPA BANGUS
• 400 grams ng spaghetti pasta, napakuluan na
• ½ kilo ng boneless tinapang bangus
• Mantika
• 1 sibuyas, hiniwang pino
• 4 na pirasong bawang, hiniwang pino
• 500 ml all purpose cream
• pinagpakuluan ng pasta
• Paminta at asin
• Keso

Paraan ng pagluluto:

Sa mga natatakam na at gustong subukan ang nasabing pasta, ihanda na ang mga kakailanganing sangkap. Siguraduhin ding ma-linis na ang paglulutuan ng pasta at sauce.
Kapag naihanda na ang mga sangkap, ang unang kailangang gawin ay tanggalin sa balat ang laman ng tinapang bangus na binili. Pagkatapos ay himayin nang pino. Itabi ang taba ng bangus na gagamitin mamaya.
Sunod na painitin ang kawali at ilagay ang mantika. Kaunti lamang base sa inyong pagkakatansiya.
Sunod namang igisa ang bawang at sibuyas. Haluin ito hanggang mag-brown ang bawang at maging translucent ang sibuyas. Pagkatapos ay ilagay naman ang hiniwalay kaninang taba ng bangus. Haluin ng ilang segundo bago ilagay ang hinimay na tinapang bangus.
Pagkatapos mahalo ang mga sangkap na nasa kawali ay ilagay na ang all purpose cream. Ilagay na rin ang pinagpakuluan ng pas-ta depende sa kung gaano karaming sauce ang nais. Hayaang kumulo sa loob ng lima hanggang sampung minuto.
Timplahan na ng asin at paminta. Kung nais ay lagyan din ng kaunting ginayat na keso para sa dagdag na lasa.
Maaaring ihain na nasa ibabaw ilalagay ang sauce. O maaari ring ihalo ang lutong pasta sa sauce bago patayin ang apoy.
Lagyan ng ginayat na keso bilang toppings.
Ayan na, mayroon na kayong bagong creamy carbonara with the touch of bangus flavor!
Hindi lang ito puwedeng ipagmalaki tuwing may birthday, pasok ding ihain tuwing may salo-salo ang pamilya sa darating na Pasko o ‘di naman kaya ay para pang merienda.
Hindi nga naman kailangang mahal ang ihahanda natin sa ating pamilya. Dahil kahit simple at mura lang ang mga sangkap, lu-tang pa rin sa lahat ang kakaiba nitong sarap.
Panibagong recipe na naman ito na mai­daragdag ninyo sa inyong listahan. Ano pang hinihintay niyo? Subukan niyo nang lutuin ito para matikman ng pamilya! LYKA NAVARROSA

Comments are closed.