TINAPYAS NA BUDGET NG OMBUDSMAN SA 2021 IPINABABALIK

ombudsman-2

UMALMA ang Office of the Ombudsman sa ginawang pagbabawas ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang 2021 budget partikular sa Personnel Services (PS).

Sa 2021 budget, 22.07 porsiyento ang ibinaba sa pondo ng Ombudsman na nasa P3.268 billion na lamang mula sa original proposal na P4.6 billion.

Mas mababa pa ito sa P4.1 billion na pondo ng Ombudsman ngayong taon.

Giit ni Ombudsman Samuel Martires, hindi sila kumpiyansa sa kanilang pondo sa susunod na taon at hindi nila nagustuhan ang ginawang pagtapyas ng DBM sa kanilang original proposed budget dahil hindi naman ito naipaliwanag sa kanila.

Taliwas din, aniya, ito sa itinatakda ng RA 6770 sa fiscal autonomy kung saan hindi dapat mas mababa ang ibibigay na pondo sa isang ahensiya mula sa nakaraang fiscal year appropriations nito.

Paliwanag ni Martires, maaapektuhan ng pagbabawas ng pondo ang planong dagdagan ang kanilang field lawyers at investigators, gayundin ang pagbuo ng isang tanggapan na hiwalay na hahawak sa administrative cases.

Magkakaroon din, aniya, ito ng epekto sa mabagal na pag-usad ng mga kaso.

Hiniling ni Martires sa Kamara na ibalik kahit ang P300 million na tinapyas sa kanilang PS.

Sinegundahan naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang pagbabalik sa ibinawas na budget sa PS habang si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez naman ay itinutulak na ibalik ang kabuuang P1.2 billion na tinapyas  sa budget ng Ombudsman sa 2021.    CONDE BATAC

Comments are closed.