QUEZON PROVINCE- NASABAT sa ikinasang checkpoint ng pinagsanib na puwersa ng NBI-Taytay, Rizal Province, Quezon-NBI at Quezon Province-PNP/ QPPO na pinamumunuan ni Provincial Director Col Joel Villanueva ang nasa humigit kumulang na isang toneladang shabu sa kahabaan ng National Highway bahagi ng Barangay Comon, Infanta ng lalawigan ito.
Nasakote ang sampu katao na sakay ng tatlong nissan van na pinagkargahan ng nasabing droga.
Ayon kay PD Villanueva, dakong alas-4 ng madaling araw nang maharang sa checkpoint ng mga awtoridad ang tatlong nissan van na sinasakyan ng sampung suspek at ng droga.
At para sa seguridad ng mga awtoridad, inilipat ng lugar ang mga nahuling iligal na droga sa Antipolo, Rizal dakong alas-8:30 ng umaga upang doon isagawa ang inventory, pagma-markings at upang alamin ang kabuuang halaga nito.
Kasalukuyan ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Quezon PNP at NBI kung sino ang nasa likod ng isang tonelada ng shabu na tinangkang ipuslit at idinaan sa lalawigan ng Quezon na nanggaling umano sa karagatan ng Pacific ocean. BONG RIVERA