OVER 30 years nang titser si Mrs. Nelly Tesalona. Mula nang makatapos siya ng BS Education noong 20-anyos pa lamang siya ay nagsimula na siyang magturo ng Filipino sa isang pribadong paaralan. Mababa ang suweldo, ngunit masaya siya dahil naibabahagi niya ang kanyang kaalaman.
Ngunit sa pagdaan ng panahon, kahit magkatuwang pa silang mag-asawa sa paghahanap-buhay, hindi sumasapat ang kanilang kinikita upang isuporta sa tatlong anak, kaya nagdesisyon silang maghanap ng trabaho sa ibang bansa. Si Titser Nelly ang pinalad na makaalis. Nakakita siya ng trabaho sa Hong Kong bilang domestic helper. Naiwan naman upang magbantay sa mga bata ang kanyang asawa. Napagkasunduan nilang may maiiwang isa sa kanila upang gumabay sa lumalaking mga bata.
Habang nagtatrabahong DH ay nakapagpa-part time pa si Titser Nelly ng pagtu-tutor kapag day-off niya. English tutor. Hindi kasi gaanong marunong mag-English ang mga taga-HongKong kaya mabenta ang pagiging English tutor. Sa ganoong paraan nila napalaki at napag-aral ang kanilang mga anak.
Sa wakas, nakauwi rin sa Filipinas si Titser Nelly. Halos tapos na ang kanilang mga obligasyon, lalo pa at nakapagtapos na ng pag-aaral ang kanilang mga anak at ang dalawa dito ay nagsipag-asawa na at may sarili na ring mga anak.
Ngunit wala na si Mr. Tesalona. Naiwang mag-isa si Titser Nelly, sa literal na paraan, dahil wala rin siyang kasama sa bahay. Bumukod na ng tirahan ang dalawa nilang anak na may asawa, at ang isa pa ay sa Maynila naman nagtatrabaho.
Araw-araw, walang ginawa si Titser Nelly kundi ang magmukmok at manood ng TV, hanggang sa maisipan niyang magtayo ng sari-sari store.
Noong una ay ayaw sana siyang payagan ng kanyang mga anak dahil mapapagod ito, ngunit naisip rin nilang maganda itong li-bangan.
Sa puhunang P5000, nilagyan ng laman ni Titser Nelly ang kanyang maliit na tindahan ng mga pangunahing bilihin gaya ng shampoo sa sachet, kendi, biskuwit, sitsirya, sardinas, sabon, mantika at iba pa. Dahil kaunti lamang ang benta, naisipan ni Titser Nelly na magtinda na rin ng fishballs, hotdogs, cheese sticks, kikiam, french fries at iba pa. Sa loob lamang ng isang buwan, nadoble ang laman ng tindahan, at kilala na rin ito at dinarayo dahil sa murang presyo. May isang taon na ring bukas ang tindahan ni Titser Nelly at sa ngayon ay doon na nila kinukuha ang pambayad sa koryente, tubig at kasama sa bahay, pati na ang pang-araw-araw na pamalengke sa pagkain.
Malaking bagay kay Titser Nelly ang nasabing tindahan, hindi lamang dahil nakabebenta na siya ng mahigit P2000 araw-araw, at doon na niya kinukuha ang pansariling panggastos, kundi dahil malaki ang naitutulong nito sa kanya para malibang.
Mula kasi nang buksan niya ang nasabing tindahan ay naging tambayan na ito ng mga estudyante sa eskuwelahang katapat ng kanilang bahay, gayundin ng mga titser na doon na rin nagmemeryenda at tumatambay kapag hapon.
Doon din sila nagkukuwentuhan at humihingi ng payo kay Titser Nelly kapag may problema sila sa kanilang pagtuturo.
Buong kasiyahan namang handang magpayo ni Titser Nelly sa abot ng kanyang makakaya.
Sa ngayon, ang titser na nagtrabahong DH sa HongKong ay isa na ring matagumpay na small-scale entrepreneur.
“Kung alam ko lang noon pa na mas malaki pala ang kita sa pagnenegosyo, hindi na sana ako nagtrabaho pa sa abroad,” ani Tit-ser Nelly. “Pero hindi pa naman huli ang lahat. Nagsimula ang tindahan ko bilang libangan, pero ngayon, isa na itong matatag na suportang pangkabuhayan,” pagtatapos pa niya.
Kayo rin kaya, subukan ninyong maging tindera. Wala namang mawawala, ‘di ba? (photos mula yum-my.ph, garage.com.ph at koa.com)
Comments are closed.