TINDAHAN SINALPOK NG SUV: MAG-INA TODAS, 2 PANG KAANAK SUGATAN

KALINGA-DEAD on arrival sa pagamutan ang isang nanay at ang kanyang sanggol na anak habang dalawa pang kaanak nila ang malubhang nasugatan nang biglang salpukin ng rumaragasang Sport Utility Vehicle ang kanilang tindahan nitong nakalipas na Linggo sa Tabuk City sa lalawigang ito.

Sa ulat ng Tabuk City PNP, sa lakas ng impact ay inabot ng dagliang kamatayan ang 39-anyos na babae at ang kalong kalong nitong 6 na buwang sanggol bagaman nagawa pang maitakbo sa hospital .

Habang sugatan ang dalawa nilang kaanak na may edad 15 at 28 na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital, ayon kay Police Major Garry Gayamos, Public Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office.

Lumabas sa pagsisiyasat na nakaupo ang ina karga ang kanyang anak kasama ang dalawang kamag-anak sa harap ng tindahan sa Barangay Bulo nang mabangga sila ng isang SUV.

Sa initial report na ibinahagi ni Gayamos, sinasabing mag-o-overtake sana ang SUV sa kaniyang sinusundang sasakyan nang bigla umano itong lumiko.

Hinala ng mga imbestigador na nabigla umano ang driver ng SUV na sa halip na preno ay accelerator pedal ang naapakan nito kaya lalong bumilis at dumiretso sa tindahan.

“Hindi niya nakita na ‘yung i-o-overtake niya ay biglang liliko, sa direksyon na papasok sa isang sitio ng Bulo. Nabigla ito,” ani Gayamos.

Sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang driver ng SUV. VERLIN RUIZ