LAGUNA – DEAD on the spot ang 47-anyos na tindero ng gulay matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa loob mismo ng vegetable warehouse, sakop ng Brgy. 2C, Lungsod ng San Pablo, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PLt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng pulisya ang biktimang si Salvador Doctor Payos, ng Villarey Subd. Brgy. 2-F, lungsod na ito.
Sinasabing nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang ulo ang biktima mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril na ginamit ng suspek na ikinamatay nito noon din sa pinangyarihan ng insidente.
Sa imbestigasyon, dakong alas-4:30 ng madaling araw habang aktong abalang-abala sa pagtitimbang ng ibinebentang gulay ang biktima nang lapitan ng suspek habang may takip ang kanyang mukha bago malapitang binaril sa kanyang ulo.
Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril lulan sa isang motorsiklo na minamaneho ng isa sa kanyang kasama patungo sa kabayanan kung saan nagsilbing look out sa insidente.
Kaugnay nito, posible umanong kaalitan sa kanyang negosyo ang isa sa tinitingnan na motibo ng pulisya bukod pa ang sinasabing malaking pagkakautang aniya nito ayon sa pamunuan ng Barangay. DICK GARAY
Comments are closed.