CAMARINES SUR – SA pag-aakalang inuming tubig ang insecticide sa baso ay naging ugat ng kamatayan ng 14-anyos na tinedyer matapos nitong inumin ang insecticide sa loob ng kanilang bahay sa Barangay May-Ogot sa bayan ng Ocampo, may ilang araw na ang nakalipas.
Sa Bicol Medical Center sa Naga City namatay habang ginagamot ang biktimang si John Axell Orcine, Grade-9 student sa Hanawan High School sa nabanggit na bayan.
Base sa ulat ng pulisya, umuwi ang biktima mula sa pakikipag-basketball sa mga kaibigan bandang alas-6 ng gabi kung saan naghanap ito ng inuming tubig.
Gayunpaman, sa pag-aakalang tubig ang insecticide na nasa baso sa ibabaw ng lamesa ay dali-daling ininom subalit ilang minuto pa lamang ang nakalipas ay nakaramdam na ito ng pananakit ng tiyan at pagkahilo kasabay nang pagsusuka.
Hindi na nagpahatid sa pagamutan ang biktima dahil sa unti-unting nawawala ang pagsakit ng tiyan kung saan naikuwento pa nito sa kanyang mga kaanak ang naganap na insidente.
Subalit kinagabihan habang natutulog ay biglang sumakit ang tiyan ng biktima saka nahilo kaya napilitan ang mga kaanak na isugod sa nasabing pagamutan kung saan ito namatay habang ginagamot.
Sa pahayag ng nanay na si Ruby Orcine, hindi naman matukoy kung sino ang naglagay ng insecticide sa baso na ipinatong sa lamesa kasama pa ang ilang baso.
Nabatid na ang insecticide ay ginagamit ng lola ng biktima sa pagtatanim ng gulay sa kanilang bukirin. MHAR BASCO
Comments are closed.