TINEDYER TIMBOG SA P340-K SHABU

CAVITE – ARESTADO ang 17-anyos na tinedyer matapos makumpiskahan ng P340-K halaga na shabu sa inilatag na anti-illegal drug operation ng pulisya sa bahagi ng Brgy. Sto. Cristo, Dasmarinas City kamakalawa ng hapon sa lalawigang ito.

Isinailalim na sa tactical interrogation ang suspek na itinago sa alyas Jobber dahil sa menor-de-edad ng nasabing barangay.

Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng drug enforcement unit kaugnay sa drug trade ng suspek kaya isinailalim sa surveillance.

Nang magpositibo sa surveillance ay inilatag ang buy-bust operation kung saan nagpanggap na poseur-buyer ang isang pulis na bumili ng shabu sa suspek.

Hindi inakala ng suspek na pulis ang kanyang ka-deal sa drug trade kaya naaktuhan ito habang nasamsam naman ang 50 gramo ng shabu na may street value na P340,000.

Posibleng isailalim ng lokal na ahensiya ng DSWD ang suspek dahil sa pagiging menor-de-edad nito habang ang 50 gramo na shabu ay pina-chemical analysis sa Cavite Provincial Crime Laboratory na gagamiting ebidensya sa kasong paglabag sa RA9165. MHAR BASCO