IKINALUNGKOT ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kung paano siya tiningnan ng mga mambabatas ng European Union (EU) nang magpulong sila para talakayin ang mga isyu sa karapatang pantao.
Si Dela Rosa, na tinawag ang kanyang sarili na “face of the war on drugs,” ay kabilang sa mga senador ng Pilipinas na nakipagpulong sa anim na bumibisitang miyembro ng EU subcommittee on human rights sa Senado sa Pasay City.
Ayon kay dela Rosa, agad niyang idineklara sa pagsisimula ng pagpupulong na siya ang pinaka may takot sa Diyos.
Sinabi rin niya na siya ang “most family-loving senator” sa mga EU legislators.
“Sinabi ko sa kanila na takot ako sa Diyos. Lahat-lahat sinabi ko sa kanila para mag-relax sila kasi pagpasok ko pa lang sa room ang tingin nila sa akin, sa akin lahat nakatingin eh, parang andito, andito na ‘yung hitman, andito na ‘yung mamamatay-tao,” ayon sa mambabatas.
“Parang gan’un ang tingin sa akin eh…Mabuti naman nag smile-smile naman sa ‘kin ‘yung mga babae na Parliamentarians,” dagdag pa niya. LIZA SORIANO