NAGPAHAYAG ng malugod na pasasalamat sina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa mga mamamayan dahil sa pagpili sa Tingog bilang top performing party-list sa House of Representatives.
Sa pinakahuling nationwide survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD), nanguna ang Tingog Party-list sa listahan ng mga top-performing partylists sa Kongreso matapos na makakuha ng 93.5% ng kabuuang 10,000 respondents, na sinundan ng ACT-CIS na may 89.4%, Agimat PL na may 88.6% at Ako Bicol na may 85.1%.
“We are humbly thankful for this honor. With all humility, we thank all those who believed in us. Rest assured that this recognition from our endeared constituency will only motivate us further to work harder for the welfare of our people and our nation,” ayon kay Rep. Romualdez, maybahay ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at kasalukuyang chairman ng House Committee on Accounts.
Sinabi ni Rep. Romualdez na labis nilang ikinararangal ang apirmasyon ng mga Pinoy sa mahusay na trabaho ng Tingog sa loob at labas ng Kamara de Representantes.
Tiniyak din niya na ang resultang ito ng survey ay magsisilbing hamon sa kanila upang higit pang pagbutihin ang kanilang pagseserbisyo sa mga mamamayan bilang party-list group.
Ang Tingog ay itinatag matapos ang pananalasa ng Superbagyong Yolanda, na ikinokonsiderang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa, bilang isang partylist na may “regional perspective on national issues.”
“As a party-list group that was borne out of the worst calamity ever to hit our country, our passion for helping others runs very deep in the people that make up our organization. Kaya naman natutuwa kami na nagbubunga ang aming pagsisikap na makatulong sa ating mga kababayan,” ani Romualdez .
Pinuri rin niya ang iba pang party-list groups sa House of Representatives dahil sa mahusay na trabaho ng mga ito at tuwinang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga mamamayan.
“This is not a competition. Magkatuwang tayong lahat para sa ikabubuti ng ating bayan at ng mamamayan,” ayon pa kay Rep. Romualdez.